2,300 total views
Gamitin ang mga aral na mapupulot sa kasaysayan tungo sa sama-samang pagunlad bilang nag-iisang lipunan.
Ito ang buod ng mensahe para sa mga Pilipino higit na sa mga kabataan ni Daet Bishop Rex Andrew Alarcon – Chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on Youth (CBCP-ECY) sa paggunita ng buong buwan ng Mayo bilang National Heritage Month.
Tiwala ang Obispo na sa pamamagitan ng pag-aaral sa kasaysayan ng Pilipinas ay mapanatili ng mga kabataan at susunod na henerasyon ang hitik na kultura ng ating bansa na pinatibay ng mahabang pakikipaglaban ng mga bayani para sa kalayaan.
“Ang kaganapan ng sarili at ng ating buhay ay hindi nangyayari sa isang iglap– ito ay proseso, isang paglalakbay, kaya kung anuman at sino man tayo ngayon, ito ay bunga ng mahabang paglalakbay, pakikipagsapalaran, pagtuklas, pagkabigo, pagdiriwang, pagiging isang bayan, at iba pa, tayo ay nabubuhay at ang kahulugan ng buhay ay hindi lamang sa ‘pagkakaroon’ (having), kundi sa ‘pagiging’ (being and becoming),” bahagi ng mensaheng ipinadala ni Bishop Alarcon sa Radio Veritas.
Binigyang diin ng Obispo sa mga kabataan na ang pagaaral ng kasaysayan ay paraan upang higit na mahalin ang Pilipinas.
Sa pamamagitan nito ay mapupukaw ang mga susunod na henerasyon na isulong ang tama para sa kapakanan ng kapwa at susunod na magmamana ng kasaysayan.
“Ito ay yaman at kuwento nating lahat, walang sinuman ang makapagsasabi na siya ito, o siya lamang ang may kagagawan nito, ito ay para sa lahat at ito ay pinagbabahaginan, kaya naman ang pag-iingat at pagpapayaman ng kultura ay hindi gawaing mag-isa, hindi lamang ito usapin ng mga may kapangayarihan, may kakayahan o nasa mabuting kalagayan, ito ay para sa lahat, ito ang kuwento at yaman ng lahat,” bahagi pa ng mensahe ni Bishop Alarcon.
Ngayong taon, itinalaga ng National Commission for Culture and the Arts kasama ang National Heritage Committee ang temang “Heritage: Change and Continuity” bilang paggunita sa National Heritage Month.
Ito rin ang ika-20 taong pag-alala sa Presidential Proclamation No.439 series of 2003 upang gunitain, alalahanin, at ipagdiwang ang mayamang kultura’t kasaysayan ng Pilipinas.