190 total views
Nanawagan sa mga botante partikular na sa mga manggagawa ang Philippine Airlines Employees Association o PALEA na pumili ng mga opisyal ng pamahalaan na tunay na magsusulong sa interes ng mga mangagagawa at maralita sa bansa.
Inihayag ni Alnem Pretencio – Vice President ng P-A-L-E-A na nararapat na maging malalim ang pagkilatis ng mga mamamayan sa kakayahan, plataporma at prinsipyo ng mga kandidato na tunay na tutugon sa kalagayan ng mga manggagawa.
“Tumingin tayo hindi lang sa personalidad, tumingin tayo hindi lang dahil sikat siya sa t.v, hindi lang dahil sikat siya sa larangan ng Social Media kundi tingnan natin ang mga tumatakbong opisyales ng gobyerno sa kanyang kakayanan, kakayanang mamuno sa ating bayan, kakayahang suportahan ang mga maliliit kasi ano naman ito, 6 years 3 years manunungkulan pero walang mahihinatnan, kailangan tayo nang mga kakampi talaga natin na magsusulong ng mga interes ng mga manggagawa at maralitang Filipino…” pahayag ni Pretencio sa Radio Veritas
Iginiit ni Pretencio na napapanahon na upang suriin ng mga opisyal ng pamahalaan ang kalagayan sa paggawa ng mga manggagawa upang maibalik ang tinatawag na dangal sa paggawa.
Aniya, dapat nang suriin at bigyang pansin ng pamahalaan ang mga kasalukuyang batas ukol sa paggawa o Labor Law tulad ng haba ng oras sa paggawa at naangkop na kita o living wage na sasapat para sa pangangailangan ng isang pamilya at maibalik ang digdinad ng isang manggagawa.
Batay sa pag-aaral ng National Economic and Development Authority (NEDA) tinatayang nasa P1,200 kada araw ang required living wage allowance para sa pamilya na may limang miyembro sa Metro Manila.
Samantalang, nananatiling 50-posyento o katumbas ng 11.2-milyong pamilyang Pilipino ang nagsabing sila ay mahirap – na kadalasang biktima ng vote buying at vote selling tuwing halalan batay narin sa isinagawang survey ng Social Weather Station o SWS sa pagtatapos ng 2015.
Ayon kay Pope Francis, isa sa pangunahing karapatan ng isang tao sa lipunan ay ang pagkakaroon ng isang marangal na trabaho na may karampatan sahod at benepisyo para sa kanilang paggawa upang maitaguyod ang kanilang mga pamilya.