231 total views
Naaayon sa batas ang naging desisyon ng Korte Suprema kaugnay sa pag-imprenta ng voters receipt sa darating na halalan sa ika-9 ng Mayo, 2016.
Ito ang binigyang diin ni Atty. Alex Lacson – Lead Convenor of Pilipino Movement of Transformational Leadership, matapos na maging taliwas sa una nang desisyon ng Commission on Election ang desisyon ng Supreme Court kaugnay sa nakatakdang halalan.
“It’s really very good that the Supreme Court acted on this and they are really want to bear it in mind that’s why the decision is 14-0, number 1 it is really required under the law required under the Automation Law na mag-issue ng voter receipt ang COMELEC”. pahayag ni Lacson sa Radio Veritas
Inihayag ni Lacson na dalawang usapin at suliranin tuwing halalan ang matutukan at mabantayan dahil sa inilabas na desisyon ng Korte Suprema.
Iginiit ni Lacson na dahil sa kautusan ng Korte Suprema ay mas makatitiyak ang bawat mamamayan sa pagkakaroon ng tapat na halalan lalo’t mapipigilan rin nito ang malawakang pandaraya sa kabuuang sistema ng makinaryang gagamitin sa darating na halalang pambansa.
“There are really two major victories sa desisyon na yan ng Supreme Court, number 1 it really solves the problem of transparency which is a constitutional requirement and number 2 it prevents whole sale raging and cheating of the system by Hocus Pocus, so essentially that..” dagdag pa ni Atty. Lacson
Aminado naman si Lacson na maari namang mas maging talamak ang tingi-tinging pandaraya ng mga kandidato sa pamamagitan ng pagbili sa boto ng bawat botante o Vote Buying at Vote Selling dahil sa magiging mahirap ang pagmamanipula sa gagamitin makinarya.
Sa isinagawang survey ng Social Weather Station o SWS sa pagtatapos ng 2015, nananatiling 50-posyento o katumbas ng 11.2-milyong pamilyang Pilipino ang nagsabing sila ay mahirap na kadalasang biktima ng vote buying at vote selling tuwing halalan.
Samantala, batay sa itinakda ng Republic Act (RA) 9-3-9 o Automated Election Law nararapat na magkaroon ng safety features ang balota at ang makinaryang gagamitin sa Automated Election partikular na ang ballot verification o ultra violet detectors, source code review, voter verified paper audit trail at digital signature ng sinumang mangangasiwa sa halalan.
Matatandaang una nang nakapagtala ng 2.3 percent Discrepancy sa Accuracy ng PCOS Machine na ginamit noong nakaraang eleksyon.
Bukod dito, nananawagan rin ang Simbahan na mas nararapat gawin at gamitin ng COMELEC ang kanilang malawak na makinarya upang puspusang gampanan ang kanilang mandato sa pagkakaroon ng malinis, tapat at payapang eleksyon sa bansa malayo sa kaguluhan at karahasan batay na rin sa Republic Act No. 7-1-6-6.(Reyn Letran)