4,187 total views
Nagpahayag ng suporta ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa inilunsad ng Commission on Elections (COMELEC) na bagong Committee against Vote-Buying and Vote Selling.
Ayon kay PPCRV Chairman Evelyn Singson, napapanahon ang naging hakbang ng COMELEC na pagtatatag ng Committee on KontraBigay upang tuluyan ng mawakasan ang talamak na vote buying at vote selling na maituturing na naging bahagi na ng halalan sa bansa.
“Vote buying has always been part of our elections. It is a welcome development that the Comelec has officially acknowledged that it is a problem and they have to do something to discourage the practice.” Ang bahagi ng pahayag ni Singson sa Radio Veritas.
Pagbabahagi ni Singson, bukod sa pagtugon sa problema ng kahirapan na pangunahing dahilan sa pagbibenta ng boto ng ilang mga botante ay higit ding mahalaga na maipaunawa sa mga mamamayan ang kahalagahan ng boto at responsibilidad ng bawat isa na maghalal ng mga karapat-dapat na opisyal ng bayan at ng pamayanan.
Iginiit ni Singson na dapat na maunawaan ng bawat botante ang kahalagahan ng paghahalal ng mga karapat-dapat na opisyal na mamumuno at mangangasiwa ng pamamahala para sa kapakanan ng bawat mamamayan sa bansa.
“Quite apart from poverty that entices people to sell their votes, we need to convince our voters of the value of their votes and their responsibility to choose competent and well-meaning leaders who will govern rightly to benefit them and the country.” Dagdag pa ni Singson.
Ipinagdarasal ni Singson na maging epektibo ang bagong tatag na Committee on KontraBigay upang mawakasan na ng COMELEC ang talamak na vote buying at vote selling at maparusahan ang mga pulitiko na patuloy na ginagawa ito.
Ayon kay Singsong, “The idea of punishing vote buying is laudable and we hope that the Comelec can successfully discourage the candidates from violating the law because it can have painful consequences to their careers and their future.”
Sa bisa ng COMELEC Resolution No. 10946 itinatag at binigyang kapangyarihan ng COMELEC ang Committee on Kontra Bigay para pigilan ang pagbili at pagbenta ng boto sa pamamagitan ng paglalatag at pagpapatupad ng isang maasahan at epektibong sistema ng pag-uulat, pag-iimbestiga, at pag-uusig ng pagbili at pagbenta ng boto bilang pangunahing Election Offense sa ilalim ng Omnibus Election Code na may parusa ng pagkakakulong ng isa hanggang anim na taon, habang maari ding madisqualify ang isang pulitiko mula sa public office at maaring mawalan ng karapatan na bumoto.
Ayon sa tala ng COMELEC umabot ng 1,226 reklamo ng vote buying ang natanggap ng ahensya noong nakalipas na eleksyong 2022.
Ang nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ang kauna-unahang halalan na pangangasiwaan ni Singson mula ng maitalaga bilang bagong chairman ng PPCRV noong Agosto ng nakalipas ng taong 2022.