5,018 total views
Ikinalulungkot ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care ang reyalidad na sinasalamin ng naipong labi ng mga bilanggo ng New Bilibid Prison.
Ayon kay Rev. Fr. Nezelle Lirio – executive secretary ng kumisyon, nakababahala ang reyalidad ng kalagayan ng mga bilanggo na tuluyan ng pinabayaan at itinakwil ng sariling pamilya maging ng pamahalaan.
Ito ang isa sa mga dahilan ng pagkaipon ng mahigit sa 170-labi ng mga bilanggo sa isang punerarya sa Muntinlupa City.
“Isa pa pong concern natin dito unclaimed, baka hindi pa po alam ng kani-kanilang mga pamilya tapos makikita din po natin dito yung kalagayan ng mga PDLs, yung iba po ay pinabayan na, itinakwil na ng kanilang sariling mga pamilya kaya isa pong magagawa po natin ay magdasal…” pahayag ni Fr. Lirio sa Radio Veritas.
Iginiit ng Pari ang kahalagahan ng patuloy na pananalangin upang makatagpo ng kapayapaan ang mga pumanaw na bilanggo.
Inihayag ni Fr. Lirio na bukod sa pananalangin para sa kaluluwa ng mga bilanggo ay mahalaga din na ipanalangin ang tapat na resulta ng isinasagawang autopsy at imbestigasyon sa dahilan ng pagpanaw ng mga bilanggo.
“Sa tingin ko po ang pwede po talaga nating gawin ngayon ay walang iba kundi magdasal, ipagdasal po natin na while waiting for the autopsy ng investigation ay magkaroon po ito ng resulta na kung saan magbibigay po ng linaw para sa hustisya sa katarungan ng mga pumanaw na PDLs at makatagpo sila ng peace, ng kapayapaan sa kabilang buhay…” Dagdag pa ng Pari.
Unang binigyang diin ng prison ministry ng Simbahan na ang dignidad o ang likas na karangalan ng bawat tao ay dapat na pahalagahan at protektahan.