759 total views
Paiigtingin ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) ang pagtataguyod sa nanganganib na mawalang wika o lengguwahe sa bansa.
Ito ang ipinangako ng ahensya sa paglulunsand ng tatlong araw na ‘Pambansang Kongreso sa Nanganganib na Wika‘ simula October 24 hanggang 26 na itinatampok ang mga katutubo, guro at dalubhasa sa larangan ng wika mula sa ibat-ibang panig ng Pilipinas.
Inaasahang makakamit ito sa programa ng ahensya na ‘Bahay-wika‘ na magtuturo ng mga wika o diyalekto sa mga bata, katutubo na sinimulan na sa mga katutubong Aeta sa Bangkal, Abucay, Bataan.
Inihayag ni Arthur Casanova, pangulo ng kumisyon na unang inilunsad ang Bahay-wika sa Bataan at nakatakdang isasagawa ito sa Quezon Province.
Tiwala si Casanova na mapapalawig ang proyekto sa loob ng sampung taon sa iba pang bahagi ng Pilipinas.
Tiniyak din ni Casanova na bukas ang komisyon upang makipagtulungan sa iba pang komisyon, organisasyon at grupo upang mapalawig at maisulong ang mga proyekto ng KWF na layuning pangalagaan ang wikang Filipino at iba pang wika sa bansa.
Batay sa datos ng KWF, aabot sa 130 mga wika o diyalekto ang mayroong ang Pilipinas habang aabot sa 44 ang nanganganib na mawala o tuluyang malimutan.
Sa naging paggunita ng Indigenous Peoples Sunday ay tiniyak ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Indigenous Peoples ang pagpapaigting ng mga hakbang na pangalagaan ang mga katutubo kasabay ng pagsusulong sa kanilang mga karapatan.