199 total views
Paulit-ulit lang na senaryo sa bansa ang pakikipaglaban ng mga manggagawa para sa kanilang karapatan sa seguridad ng panunungkulan sa mga kumpanya.
Ito ang binigyang diin ni Luke Espiritu, Pangulo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino kaugnay sa iligal na pagtanggal ng mga manggagawa sa Pacific Plaza Towers (PPT) sa Bonifacio Global City.
Paliwanag ni Espiritu, idinadaan ng mga kumpanya sa pananakot, pagsuspende at pinakamalubha ang alisin sa trabaho ang mga manggagawang lumalaban para sa kanilang karapatan.
“What we see here is a recurring pattern: workers asserting their right to security of tenure and self-organization, and then the retaliation of management through threats, suspension and illegal dismissals. The workers have had enough, and are coming together to demand an end to contractualization and abuse at the hands of their employers,” pahayag ni Espiritu.
Ayon naman kay Randolph Joseph Bacur, isa sa mga manggagawang tinanggal ng PPT, panahon na upang wakasan ang kontraktuwalisasyon sa bansa lalo na sa mga maliliit na mga manggagawa na tapat at may dedikasyon sa trabahong iniatang ng mga kumpanya.
Nanawagan din itong maibalik ang 17 manggagawa na tinanggal ng kumpanya.
“Nais lang poo naming 17 manggagawa ng Pacific Plaza Towers na ibalik kami sa serbisyo bilang regular na empleyado ng nasabing kumpanya dahil sapat po ang panahon na ginugol namin para maging isang regular na manggagawa.” bahagi ng pahayag ni Bacur sa Radio Veritas.
Panawagan din ni Bacur at mga kasamahan kay Pangulong Rodrigo Duterte na isakatuparan ang mga pangako nito sa sektor ng manggagawa.
“Sa iginagalang at pinagkakatiwalaan nating mahal na Pangulong Rodrigo Duterte nais po namin ulit na isakatuparan niyo po ang inyong pangako na tuluyang wakasan ang kontraktuwalisasyon, halina’t sa totoong pagbabago.” dagdag ni Bacur.
Hinaing din ng grupo ang hindi pagbabayad ng Polystar Manpower Agency sa mga kontribusyon tulad ng SSS, Philhealth at Pag-ibig ngunit buwan-buwan itong ibinabawas sa kanilang sahod.
Sa isang mensahe ni Pope Francis, isa sa pangunahing karapatan ng isang tao sa lipunan ang pagkakaroon ng marangal na trabaho na may karampatan sahod at benepisyo para sa kanilang paggawa upang maitaguyod ang kanilang pamilya.