194 total views
Walang nagawa ang Pangulong Rodrigo Duterte para sa kapakanan ng mga mamamayang Filipino sa isang taong panunungkulan bilang punong ehekutibo ng Pilipinas.
Binigyan diin ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani na hindi natupad ng Pangulong Duterte ang pangakong paunlarin ang buhay ng maraming maralitang Pilipino.
Tinukoy ng Obispo ang kaliwa’t-kanang paglabag sa karapatang pantao at pagpaslang partikular na sa mga mahihirap.
Ayon kay Bishop Bacani, isang malaking kabalintunaan ang mga naging pahayag ng Pangulo kung ibabatay ito sa mga nagawa ng administrasyon sa paggalang sa karapatang pantao at pag-unlad ng buhay ng mga Filipino.
“Sa totoo lang ay hindi ako masyadong impress sa 1st year lalo sa mga violation o human rights na nangyayari, sinasabi natin una sa lahat tao bago pa pera, una sa lahat tao pagkatapos kaliwat kanan ang violation of human rights kaya yun ang gusto kong iharap sa Presidente, talaga bang tao ang una sa kanya? At umuunlad ba ang pagkatao ng mga Filipino sa ilalim ng kanyang pamamahala? Yun ang palagay kong napakahalagang criteria ng pag-unlad ng bansa…” pahayag ni Bishop Bacani sa panayam sa Radio Veritas.
Bukod dito, muling binalikan ng Obispo ang kabiguan ng pangulong Duterte sa naging pangako na pagsugpo sa problema ng illegal na droga at kriminalidad sa loob lamang ng anim na buwan.
Sinabi ng Obispo na base sa mga statistic ng pamahalaan ay lalong dumami ang mga drug addicts at lalong tumaas ang kaso ng mga pagpatay tulad ng mahigit sa tatlong libong extra-judicial killings sa kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.
“Ang pangako niya noon ay anim na buwan matatapos itong problema ng droga at ng krimen, anim na buwan. Sa sina-site na statistics ngayon mas marami pa daw ang drug-addicts ngayon kaysa mga binigay nilang figures noong una. At ang dami-dami pang napatay pero hindi pa rin naman natatapos kaya hindi maganda ang tingin ko diyan…”dagdag pa ni Bishop Bacani.
Binigyang pansin din ni Bishop Bacani ang paglala ng sitwasyon sa peace and order ng bansa.
Dahil dito, ipinagpaumanhin ng Obispo ang hindi pagkapasa ng unang taon ng administrasyong Duterte kung ibabatay sa mga pamantayan ng Simbahan para sa isang mapayapa at maayos na lipunan.
“Maraming mga pangako totoo, pero peace and order situation has worsen under this administration than ever before, alam naman na natin yan sa ngayon. Alam ko one sided in some elements but I think on the whole mahirap makapasa ang administration na ito kung ating ihahambing sa criteria na hinihingi ng Simbahan para sa isang mapayapa at maayos na lipunan…” paliwanag ni Bishop Bacani.
Nabatid mula sa statistics ng Philippine National Police na mula July 1, 2016 hanggang January 21, 2017 ay umabot na sa 7,025 ang drug-related killings kung saan 34-katao ang napapatay kada araw sa kampanya ng administrasyong Duterte kontra iligal na droga sa bansa.
Sa datos ng P-N-P, mahigit sa 6,000 ang kaso ng death under investigation mula July 2016 hanggang January 2017.