23,439 total views
Kinilala ng West Philippine Sea: Atin Ito! Movement ang pakikiisa ng Simbahang Katolika sa pagsusulong ng mga inisyatibong pagtibayin ang paninindigan ng bayan laban sa patuloy na pang-aangkin ng China sa mga teritoryo Pilipinas.
Ayon kay Ed Dela Torre, ang suporta ng simbahan ay makakatulong upang higit na makarating sa mamamayan at mapaunawa ang mga nagaganap sa patuloy na pagtatanggol para sa West Philippine Sea.
“Sa level ng alam naman natin, nasasabi nga nila ang unang kapangyarihan at kahalagahan ng simbahan ay cultural capital, yung pagsuporta ng simbahan, malaking bagay yun lalo na ngayo’t Christmas ngayon pero secondly, hindi maliiit na bagay ang organization at institutional role ng simbahan lalo na in this case full support naman si Apostolic Vicariate ng Taytay si Bishop Pabillo, and even si Bishop Ambo na head of CBCP,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Dela Torre.
Sinabi ng opisyal ng Atin Ito na mahalaga ang awtoridad o tiwala ng taong bayan sa simbahan upang higit na mapalalim ang kaalaman sa usapin ng West Philippine Sea.
“Alam niyo any political leaders we have our own networks, ang simbahan may sariling siyang areas of influence, network based on trust, relationships and also hindi maliit na bagay ang simbahan sa totoo lang partikular na Catholic church other than the government is a national organization na may institutional presence at may credibility,” ayon pa sa panayam ng Radio Veritas kay Dela Torre.
Sa press conference na pinangasiwaan ng Atin Ito! Movement ay inunsyo na isasagawa sa November 29 ang “Atin ito! the West Philippine Sea Musical” concert na idadaos sa University of the Philippines Diliman tampok ang mga Filipino Artist at Musician.
Susundan ito sa December 05 ng “Christmas Convoy Civilian Supply Mission” na personal na pagpunta ng mga kinatawan ng Atin Ito Movement sa West Philippine Sea upang mamahagi ng tulong na suplay sa mga mangingisda, coastguard at Philippine Navy.
Unang inihayag nila Catholic Bishops’ Conference of the Philippine President Pablo Virgiliio David, Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo at former Senator Manny Pacquiao ang suporta sa inisyitibo ng pagkilos.
Kaugnay nito, sa Programang Veritasan ng Radio Veritas, inihayag ni Armed Forces of the Philippines Spokesperson Medel Aguilar na sa kabila ng paniniil ng China at kanilang coast guard ay idadaos parin ang mapayapa at diplomatikong pakikipagdayalogo upang manindigan na bahagi ng Pilipinas ang West Philippine Sea.