353 total views
Nanawagan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa lahat ng miyembro ng kanyang Gabinete na magsumite ng courtesy resignation bilang bahagi ng mas malawak na pagsasaayos sa direksyon ng pamahalaan kasunod ng resulta ng halalan.
“It’s time to realign government with the people’s expectations,” ayon kay Pangulong Marcos Jr.
Layon ng hakbang na ito na muling ihanay ang administrasyon sa mga tunay na pangangailangan at inaasahan ng taumbayan. Ayon sa Palasyo, tapos na ang panahon ng nakagawiang pamamalakad—ang tinig ng mamamayan na ang dapat mangibabaw, hindi ang pulitika.
Dagdag pa ng Pangulo; “This is not business as usual,” the President said. “The people have spoken, and they expect results—not politics, not excuses. We hear them, and we will act.”
Sa pamamagitan ng panawagang ito, binibigyan ng kalayaan ang Pangulo na masusing suriin ang performance ng bawat ahensya at tukuyin kung sinu-sino ang nararapat manatili sa Gabinete, batay sa bagong prayoridad ng administrasyon.
Itinuturing ng Malacañang ang hakbang na ito bilang pagsisimula ng panibagong yugto ng pamumuno—isang pamahalaang mas matatag, mas mabilis kumilos, at nakatuon sa kongkretong resulta.
“This is not about personalities—it’s about performance, alignment, and urgency,” the President added. “Those who have delivered and continue to deliver will be recognized. But we cannot afford to be complacent. The time for comfort zones is over,” ayon pa sa pahayag ng Pangulong Marcos.
Habang kinikilala ang mga opisyal na nagsilbi nang may dedikasyon at propesyonalismo, binibigyang-diin ng administrasyon na kailangan ngayon ng mas mabisa at agarang tugon sa mga pangangailangan ng bayan.
Tiniyak naman ng Malacañang na hindi maaantala ang paghahatid ng pangunahing serbisyo habang isinasagawa ang mga pagbabago. Mananatiling matatag ang operasyon ng pamahalaan habang binubuo ang isang mas mahusay na Gabinete para sa kapakanan ng mamamayan.
Una na ring binigyan diin ng yumaong si Pope Francis na ang pulitika ay isang mataas na anyo ng pagmamahal sa kapwa sapagkat ito ay paglilingkod sa kabutihang panlahat.
Naniniwala ang Simbahan na ang pulitika ay hindi lamang tungkol sa kapangyarihan, kundi isang bokasyon ng paglilingkod para sa kapakanan ng lahat, lalo na ng mahihirap at nasa laylayan ng lipunan