1,246 total views
Hinimok ni Ka Leody de Guzman ang mamamayan na sama-samang kumilos at manawagan para matugunan ang kinakaharap na climate at economic crisis ng Pilipinas at buong mundo.
Ayon kay de Guzman, chairperson ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino, nararapat maging prayoridad ang krisis sa klima at pangangalaga sa kalikasan upang maiwasan ang paghihirap ng mamamayan.
Ginawa ni de Guzman ang panawagan sa isinagawang Asian Day of Action for Climate and Economic Justice sa Quezon City Memorial Circle.
“Maganda talagang bitbitin ang issue na ito dahil mawawalan ng saysay ang anumang pinaglalaban natin sa kabuhayan, sa karapatan kung mismong ang ating nag-iisang mundo ay mawawasak. At naiintindihan ng marami na ang pagkawasak nito ay resulta ng pagiging ganid sa tubo, sa kita ng mga korporasyon hindi lang sa Pilipinas kun’di sa buong mundo,” paglilinaw ni de Guzman sa panayam ng Radio Veritas.
Tinukoy ni de Guzman ang pagmimina, pagtatayo ng mga coal-fired at natural gas power plant na mga pangunahing dahilan ng pagkasira ng kalikasan at pag-init ng temperatura ng kapaligiran.
Sinabi ng opisyal na napapanahon nang gisingin ang kamalayan ng bawat isa lalo na ng pamahalaan upang ihinto na ang pagsuporta at pagtitiwala sa mga malalaking korporasyon, at sa halip ay pagtuunan ang kaligtasan at kapakanan ng mamamayan.
Kabilang na rito ang pagsusulong sa renewable energy na tiyak na ligtas, abot-kaya, at walang masamang epekto sa kalikasan.
Nakasaad sa Laudato Si’ ni Pope Francis na mahalaga ang pagiging mapagmatyag ng pamayanan upang matiyak na wasto at may moral na pamantayan ang pamahalaan sa pagpapatupad ng mga batas na nangangalaga sa kalikasan at mamamayan.