1,169 total views
Hinimok ni Running Priest Father Robert Reyes ng Diocese of Cubao ang mga Pilipino na gawing inspirasyon ang kakatapos lamang na Conclave kung saan itinalaga ng Espiritu Santo ang bagong pinunong pastol ng Simbahang Katolika at isabuhay ang pagpapahalaga sa bansa o ang ‘PILI-pinas’.
Ayon sa Pari, nararapat na magkaroon ng malalim na pagninilay at pagdarasal ang mga botante sa paghalal ng mga karapat-dapat na mamumuno sa bansa
Ipinapanalangin ng Pari na hindi magpasilaw ang mga Pilipino sa vote-buying at kasinungalingan ng mga kandidato.
Inaasahan din ni Father Reyes na hindi iboboto ng mga Pilipino ang mga kandidato na kabilang sa political dynasties na matagal nang nagpapahirap sa bansa lalu na sa mamamayan.
“Ang daming matitino sana sila nalang ang piliin, piliin niyo parin kung ano yung matino, kung ano yung hindi gagamitin ang pwesto para sa kaniyang dynasty, piliin niyo ang hindi dynasty, isa pa yan, stop voting dynasties, tama na,” ayon sa panayam ng Radyo Veritas kay Fr.Reyes.
Ayon pa sa Pari, ang apela ng ‘PILI-pinas’ ay upang isipin ang kabutihan ng sariling bansa pagdating sa paghahalal ng mga kandadito para sa 2025 midterms elections
Sa pamamagitan ito ng paggamit o pagasasapuso sa apat na mahahalagang pagninilay at gawain sa paghahalal ng mga susunod na lider sa pamahalaan.
Una sa mga ito ay ang pinakamahalagang pagdadasal upang humingi ng paggabay sa Panginoon at maihalal ang kaloob ng Diyos na mamuno sa bayan, pangalawa ay ang pag-aaral sa track records o mga nagawa na ng mga kandidato para sa bayan.
Ikatlo sa mga ito ay ang pag-alam sa ugali at mabubuting asal na taglay ng mga kandidato upang maging ehemplo para sa nakakarami at ang pang-apat ay ang pag-iisip sa ikakabuti ng Pilipinas para sa pag-unlad ng pamumuhay ng kapwa higit na ang mga pinakanangangailangan.
“Piliin natin ang para sa buong bansa, ang piliin natin ang para sa PILIpinas, ngayon palang, lumuhod nadin tayo, kasabay ng lahat ng katoliko, kasabay lahat ng pastol, at hilingin natin sa Diyos na tulungan niyo kaming piliin ang kandidatong mabuti para sa Pilipino at sa Bansa,” bahagi pa ng panayam ng Radyo Veritas kay Fr.Reyes
Ngayon 2025 midterm elections, aabot sa 68,431,965, ang bilang ng mga registered voters na boboto sa sa national at local position sa pamahalaan.




