193 total views
Kinilala ng CBCP NASSA / Caritas Philippines ang mapayapang anti-illegal drug operations ng Philippine National Police sa MIMAROPA.
Ayon kay Rev. Fr. Edu Gariguez, Executive Secretary ng CBCP NASSA / Caritas Philippines, dapat tuluran ang isinagawang “one time bigtime drug operations” ng mga alagad ng batas sa MIMAROPA o sa Mindoro, Marinduque, Romblon and Palawan kung saan 233 mga drug personalities ang naaresto at walang namatay sa operasyon.
Iginiit ng Pari na naaangkop lamang na hulihin ang mga drug suspect upang mapatawan ng kaparusahan sa ilalim ng batas at mabigyan ng pagkakataong makapagbagong buhay sa halip na basta na lamang patayin.
“Yun nga isa sa mga best practice at bilang katunayan lang din na puwede namang hulihin, huwag patayin at pagkatapos i-address yung problema bigyan ng pagkakataong magbagong buhay o hindi kaya ay dumaan sa mga legal na proseso, yun lang yung sinasabi natin na yung buhay mahalaga at isa yan sa mahalagang paninindigan ng ating pananampalataya…”pahayag ni Father Gariguez sa panayam sa Radio Veritas.
Nauna nang nilinaw ni Fr. Gariguez na hindi nais ng Simbahang Katolika na iwanan ng pamahalaan ang laban nito sa malawak na suliranin sa ipinagbabawal na gamot sa halip ay isinusulong lamang nito ang makataong pagsugpo sa problema.
Ang mapayapang drug operations ng PNP-MIMAROPA ay taliwas sa madugong war on drugs ng PNP sa Metro Manila.