7,737 total views
Sa kabila ng karamdaman muling tiniyak ng Papa Francisco ang pakikilakbay sa bawat mananampalataya lalo na sa mga may sakit at nahihirapan.
Inihayag ng Santo Papa sa kanyang angelus na bagamat mahina ang pangangatawan ng mga may karamdaman ay hindi ito hadlang upang patuloy na ipadama sa kapwa ang malasakit at pag-ibig na magdudulot ng pag-asa sa mga pinanghihinaan tulad ng mga nagpapagaling sa pagamutan.
“Our bodies are weak, but even like this, nothing can prevent us from loving, praying, giving ourselves, being for each other, in faith, and shining signs of hope. How much light shines, in this sense, in hospitals and places of care,” bahagi ng mensahe ni Pope Francis.
Ipinaliwanag ni Pope Francis na sa pamamagitan ng pagmamalasakit at pagkalinga ng mga medical professionals sa mga maysakit ay nababanaagan sa mga ospital ang liwanag ng pag-asa at naipapahayag ang habag, awa at kalinga ng Panginoon.
Mula February 14 ay namalagi ang santo papa sa Gemelli Hospital sa Roma dahil sa bronchitis na kalauna’y nagkaroon ng bilateral pneumonia na ngayo’y patuloy na binabantayan ng mga doctor bagamat nanatiling stable ang kalagayan nito.
Hiniling ng punong pastol sa bawat isa ang pakikiisa sa pasasalamat sa Panginoon sa patuloy na biyaya ng buhay at kalakasang tinatamasa.
Pinasalamatan ni Pope Francis ang bawat isang nagpaabot ng mensahe at panalangin para sa kanyang dagliang paggaling lalo na ang mga kabataang kasamang nagpapagaling sa Gemelli.
Muling hiniling nito sa sangkatauhang ipanalangin ang biktima ng digmaan sa buong mundo lalo na ang mamamayan ng Ukraine, Palestine, Israel, Lebanon, Myanmar, Sudan, at Democratic Republic of the Congo kasabay ng panawagang paigtingin ang mga hakbang tungo sa pagkakaayos upang iiral ang lipunang nagbubuklod, nagtutulungan at mapayapa.