5,654 total views
Pangungunahan ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown ang Pope’s day Mass sa June 29.
Isasagawa ang banal na misa sa alas sais ng gabi sa Minor Basilica and Metropolitan Cathedral of the Immaculate Conception o Manila Cathedral kasama si Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula.
Taunang ipinagdiriwang ang Pope’s Day tuwing June 29 kasabay ng kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo na kilalang haligi ng simbahang katolika kung saan ipinagkatiwala ni Hesus ang pangangalaga sa kanyang kawan.
Kasabay ng dakilang kapistahan ng dalawang santo ay pinararangalan din ang santo papa sa patuloy na pagganap sa misyong pagpapastol sa mahigit isang bilyong katoliko sa mundo.
Pangunahing tungkulin ng santo papa ang pagbuklurin ang sangkatauhan tungo sa landas ni Hesus batay sa habilin nito kay San Pedro ang kauna-unahang santo papang pinagkatiwalaan sa mga gawaing pagpapastol.
Sina San Pedro at San Pablo ay tinaguriang mahahalagang haligi ng pananampalatayang kristiyano na pawang ipinagdiriwang ang kapistahan tuwing June 29.
Kay Pedro inihabilin ni Hesus ang simbahan sa lupa habang si San Pablo naman na kilala noong mang-uusig ng mga kristiyano ay nagbagong buhay at naging misyonerong nangunguna sa pangangaral tungkol kay Hesus sa iba’t ibang dako.
Si San Pedro ay ipinako sa nakabaliktad na krus sa Roma habang si San Pablo naman ay pinugutan ng ulo sa naturang bansa.
Mula kay San Pedro nahalal si Pope Leo XIV noong May 8, 2025 bilang ika – 267 santo papa ng simbahang katolika kasunod ng pagpanaw ni Pope Francis.