334 total views
Nagpahayag ng buong suporta ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa inilunsad na Mobile Registration Form App ng Commission on Elections (COMELEC) na naglalayong higit na mapabilis ang kasalukuyang voters’ registration na isinagasagwa ng kumisyon.
Ayon kay PPCRV National Trustee and Secretary Dr. Arwin Serrano, malaki ang maitutulong ng iba’t ibang mga pamamaraan upang higit na mapabilis at matiyak ang kaligtasan ng mamamayang magpaparehistro ngayong pandemya.
Inihayag ni Serrano na kaisa ng COMELEC ang PPCRV sa pagnanais na mapabilis ang proseso ng pagpaparehistro ng bagong botante.
“Fully support kami doon sa COMELEC’s initiative especially pandemic tayo so it’s good that COMELEC is also adjusting its process especially sa voters registration with regards doon sa mga paano maminimize o mamitigate itong mga health protocols natin and one of which nga yung pag-conceptualized ni Commissioner Marlon Casquejo regarding itong new voters registration concept.” pahayag ni Serrano sa panayam sa Radio Veritas.
Naniniwala naman si Serrano na dahil sa panibagong Mobile Registration Form App na inilunsad ng COMELEC ay higit na mahihikayat ang mga kabataan partikular na ang mga first time voters na magparehistro dahil sa mas mabilis at makabagong paraan ng pagpapatala.
“Yan yung nakikita ko na talagang magandang target audience din kasi yan naman talaga from the very start and even yun campaign natin before campaigns natin on voters registration ang priority talaga natin ay yung mga first time voters like yung mga youth sector kaya ito ay siguradong sigurado ko na gamay na gamay nila ito so yun yung nakikita natin na magandang target sector kung i-embrace ba ito ng mga youth.” Dagdag pa ni Serrano.
Una ng inihayag ni COMELEC Commissioner Marlon Casquejo na layunin ng Mobile Registration Form App ng COMELEC na higit na mapabilis ang proseso ng pagpaparehistro ng bagong botante.
Maaring magamit ang Mobile Registration Form App kahit walang data o internet ang isang mobile user kung saan hindi na rin kinakailangan pang i-print ang form.
Matapos na mapunan ang mga kinakailangang detalye ay magkakaroon ng QR Code ang bawat isa na kinakailangang i-save ng mga magpaparehistro at tanging kinakailangang ipakita sa mga tanggapan ng COMELEC kung saan naman kukunin ang biometrics ng bawat isa.
Dahil dito, tanging valid ID at QR Code na lamang mula sa Mobile Registration Form App ang kinakailangang dalhin ng mga magpaparehistro sa tanggapan ng COMELEC.