340 total views
Bahagi ng pagiging tunay na Kristiyano ang pagiging isang mabuting mamamayan.
Ito ang binigyan diin ng dalawa sa convenor ng 1Sambayan na pambansang koalisyon na binuo para sa 2022 national elections.
Ayon kay Brother Armin Luistro, FSC, Provincial Superior ng De La Salle Brothers in East Asia at dating Education Secretary na ang pinaniniwalaan ng mga mananamapalataya sa Simbahan ay dapat din na ganap na napapangatawanan sa lipunan.
“Sumama ako dito dahil kasama ito doon sa ating pananampalataya at siguro ito yung isa sa napakamahalagang bahagi ng 1Sambayan. Yung ‘Samba’ na yung ating pinaniniwalaan sa ating puso ay kailangan nating mapangatawanan sa labas ng ating lipunan. Sa mga nakalipas na taon ay medyo tahimik na parang wala tayong pakialam at kung nakikialam sinasabi na namumulitika pero kapag meron kang kapatid na binabaril, natokhang pamumulitika ba yun? kapag meron kang COVID-19 patient na hindi nabigyan ng bakuna dahil yung pera ay ibinulsa ng gobyerno, pamumulitika ba yun? Ang 1Sambayan ay tumatawag sa lahat ng mga taong Simbahan na ipakita natin na yung ating pananampalataya ay hindi lamang pang-Simbahan, kundi para sa pang-araw-araw na pamumuhay.” pahayag ni Luistro sa panayam sa Radio Veritas.
Binigyang diin naman ni Jesuit Priest Fr. Albert Alejo, SJ na hindi maaring maging tahimik ang Simbahan sa mga maling nagaganap sa lipunan upang maitama ito at mapalaya mula sa mga kaguluhan at karahasan.
“Alam niyo sa ganitong sitwasyon na nalalabag ang katwiran, nalalabag ang moralidad, minumura nga pati Diyos hindi pu-pwedeng magtulog-tulog o magtalukbong ang Simbahan. Sa sociological point of view the Church is the biggest NGO, we are everywhere pero hindi lang yun in the prophetic value na kahit na kaunti, kahit na mahina kailangan lalagay tayo sa tama kapag hindi nababalewala yung ating pananampalataya.”pahayag ni Fr. Alejo
Naniniwala ang 1Sambayan na binubuo ng iba’t-ibang sektor ng lipunan na mahalaga ang nakatakdang 2022 Presidential election para sa kinabukasan ng bansa.
Layunin ng koalisyon na maisulong ang pagkakaisa ng iba’t-ibang mga grupo at sektor upang manindigan kung sino ang mga nararapat na mga opisyal na makabubuti para sa bayan.
Ipinaliwanag naman ni 1Sambayan Chairman at Lead Convenor retired Supreme Court Justice Antonio Carpio na dapat na magkaroon ng iisang kinatawan o kandidato ang oposisyon partikular sa pagka-Presidente upang hindi mahati ang boto ng mga Filipino na nagnanais mawakasan ang mga kaguluhan, karahasan at kawalang katarungan na nagaganap sa bansa.