345 total views
Pinaalalahanan ni Balanga Bishop Ruperto Santos ang mananampalataya na tularan si San Jose na buong pusong nagtiwala sa kaloob ng Panginoon.
Ito ang mensahe ng obispo sa pagdiriwang kapistahan ni San Jose bilang kabiyak ng Mahal na Birheng Maria sa Marso 19.
Inihayag ni Bishop Santos na napapanahon ang pagdiriwang sapagkat ipinaalala nito sa mamamayan na huwag mangamba sa paglalakbay sa kabila ng krisis na dulot ng coronavirus pandemic.
“With this very difficult and devastating Covid19 pandemic, the words of angel to St Joseph “don’t be afraid” are very true to us. So like St Joseph, let us turn to God and trust all the more,” pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Radio Veritas.
Ipinaalala ni Bishop Santos na sa paglalakbay ni San Jose mula Bethlehem patungong Ehipto ay buong puso nitong ipinagkatiwala sa Diyos ang paggabay upang maging ligtas sa anumang uri ng kapahamakan.
Magandang pagkakataon din na italaga ang sarili kay San Jose upang mas lumalim ang debosyon sa santo kasabay ng deklarasyon ng Kanyang Kabanalan Francisco ng Year of St. Joseph ngayong 2021 bilang paggunita sa ika – 150 anibersaryo ng pagtalaga kay San Jose bilang patron ng simbahang katolika.
Hinimok ni Bishop Santos ang mananampalataya na isapuso si Maria at Hesus sa paglalakbay sa mundo bilang gabay at patnubay.
“As we continue our earthly pilgrimage, like Saint Joseph, let us take Mary and Jesus with us,” ani Bishop Santos.
Kaugnay dito, itinalaga rin ni Bishop Santos ang Cathedral – Shrine of Saint Joseph sa Balanga bilang isa sa mga pilgrim churches ngayong ipinagdiriwang ng bansa ang 500 Years of Christianity.