4,228 total views
Huwebes ng Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
1 Corinto 3, 18-23
Salmo 23, 1-2. 3-4ab. 5-6
Ang daigdig lahat doon,
ang may-ari’y ating Poon.
Lucas 5, 1-11
Thursday of the Twenty-second Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
1 Corinto 3, 18-23
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, huwag dayain ninuman ang kanyang sarili. Kung may nag-aakalang siya’y marunong ayon sa sanlibutang ito, ibilang niyang siya’y mangmang upang maging tunay na marunong. Sapagkat ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa paningin ng Diyos. Ganito ang sinasabi sa Kasulatan, “Hinuhuli niya ang marurunong sa kanila na ring katusuhan.” Gayun din, “Alam ng Panginoon na ang iniisip ng marurunong ay walang kabuluhan.” Kaya’t huwag ipagmalaki ninuman ang nagagawa ng tao. Ang lahat ay inyo: si Pablo, si Apolos, at si Pedro; ang sanlibutang ito, ang buhay, ang kamatayan, ang kasalukuyan, at ang hinaharap – lahat ng ito’y sa inyo. At kayo’y kay Kristo, at si Kristo nama’y sa Diyos.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 23, 1-2. 3-4ab. 5-6
Ang daigdig lahat doon,
ang may-ari’y ating Poon.
Ang buong daigdig, lahat ng naroon,
may-ari’y ang Diyos, ating Panginoon;
ang mundo’y natayo at yaong sandiga’y
ilalim ng lupa, tubig kalaliman.
Ang daigdig lahat doon,
ang may-ari’y ating Poon.
Sino ang marapat umahon sa burol,
sa burol ng Poon, sino ngang aahon?
Sino’ng papayagang pumasok sa templo,
Sino’ng tutulutang pumasok na tao?
Siya, na malinis ang isip at buhay,
na hindi sumamba sa diyus-diyusan;
tapat sa pangako na binibitiwan.
Ang daigdig lahat doon,
ang may-ari’y ating Poon.
Ang Panginoong Diyos, pagpapalain siya,
ililigtas siya’t pawawalang-sala.
Gayun ang sinumang lumalapit sa Diyos,
silang lumalapit sa Diyos ni Jacob.
Ang daigdig lahat doon,
ang may-ari’y ating Poon.
ALELUYA
Mateo 4, 19
Aleluya! Aleluya!
Sumunod kayo sa akin
at kayo’y aking gagawing
katambal ko sa tungkulin.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 5, 1-11
Ang Mabuting Balita ng Panginoong ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, nakatayo si Hesus sa baybayin ng Lawa ng Generaset. Pinagkalipumpunan siya ng napakaraming tao na ibig makarinig ng salita ng Diyos. May nakita siyang dalawang bangka sa baybayin; nakalunsad na ang mga mangingisda at naghuhugas ng kanilang mga lambat. Lumulan siya sa isa sa mga bangka at hiniling kay Simong may-ari nito, na ilayo nang kaunti sa tabi. Naupo siya sa bangka at nangaral sa mga tao.
Pagkatapos niyang magsalita ay sinabi niya kay Simon, “Pumalaot kayo at ihulog ang mga lambat upang manghuli.” Sumagot si Simon, “Guro, magdamag po kaming nagpagod at wala kaming nahuli! Ngunit dahil sa sinabi ninyo, ihuhulog ko ang mga lambat.” Gayun nga ang ginawa nila at sa dami ng kanilang huli ay halos magkansisira ang kanilang mga lambat. Kaya’t kinawayan nila ang kanilang mga kasamahang nasa ibang bangka upang patulong, at lumapit naman ang mga ito. Napuno ang dalawang bangka na halos lumubog. Nang makita iyon ni Simon Pedro, siya’y nagpatirapa sa paanan ni Hesus at nagsabi, “Lumayo po kayo sa akin, Panginoon, sapagkat ako’y makasalanan.” Nanggilalas siya at ang kanyang mga kasama dahil sa dami ng kanilang huli; gayun din sina Santiago at Juan, mga anak ni Zebedeo, na mga kasosyo ni Simon. At sinabi ni Hesus kay Simon, “Huwag kang matakot. Mula ngayo’y mamamalakaya ka ng mga tao.” Nang maitabi na nila ang kanilang mga bangka, iniwan nila ang lahat at sumunod kay Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon
Huwebes
Noong sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Halikayo, sumunod kayo sa akin,” tinatawag rin niya tayo sa kanyang halimbawa ng pananalangin upang ibahagi ang pananalangin sa iba. Maging mapagbigay tayo sa ganoong pananalangin.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Banal na guro, tulungan Mo kaming lumusong
sa kalaliman ng Iyong pag-ibig.
Ang Santo Papa, mga obispo, mga pari at lahat ng tinawag upang mamalakaya ng tao nawa’y magkaroon ng tapang at tiyaga na ihagis ang lambat ng paglilingkod sa malalim na karagatan ng buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga mangingisda at lahat ng nagtatrabaho sa karagatan nawa’y tumanggap ng maraming ani ng nag-uumapaw na yaman ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y magkaroon ng katapangan na ipahayag sa mga hindi sumasampalataya ang Mabuting Balita ng Panginoon, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit, mga nalulumbay, at mga nagdurusa sa karamdaman ng isip at katawan nawa’y hipuin ng Panginoon, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y makamit kay Kristo ang walang hanggang gantimpala, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoon ng lahat ng tao, sa pamamagitan ng mga panalanging ito, tipunin mo ang mga nagsisikap na sumunod sa iyong Anak, siya na nabubuhay at naghahari magpasawalang hanggan. Amen.