4,572 total views
Miyerkules ng Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
1 Corinto 3, 1-9
Salmo 32, 12-13. 14-15. 20-21
Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.
Lucas 4, 38-44
Wednesday of the Twenty-second Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
1 Corinto 3, 1-9
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, hindi ko kayo makausap tulad ng ginagawa ko sa mga taong nagtataglay ng Espiritu. Kailangang kausapin ko kayo bilang mga taong namumuhay ayon sa laman, mga sanggol pa sa pananampalataya kay Kristo. Binigyan ko kayo ng gatas, hindi matigas na pagkain, sapagkat ito’y hindi pa ninyo kaya. At hindi pa ninyo kaya hanggang ngayon sapagkat nananaig pa sa inyo ang laman. Mayroon pa kayong inggitan at alitan at iya’y nagpapakilalang makasanlibutan pa kayo at namumuhay ayon sa laman. Kapag sinabi ng isa, “Ako’y kay Pablo,” at ng iba, “Ako’y kay Apolos,” hindi ba tanda iyan na kayo’y namumuhay pa ayon sa laman?
Sapagkat sino si Apolos? At sino si Pablo? Kami’y mga lingkod lamang ng Diyos na kinasangkapan niya upang akayin kayo sa pananalig kay Kristo. Ginagawa ng bawat isa ang gawaing tinanggap niya sa Panginoon. Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, ngunit ang Diyos ang nagpatubo at nagpalago. Hindi ang nagtatanim ni ang nagdidilig ang mahalaga kundi ang Diyos na siyang nagpapatubo at nagpapalago. Ang nagtatanim at ang nagdidilig ay kapwa manggagawa lamang at bawat isa’y tatanggap ng gantimpala ayon sa kanyang pagpapagal. Kami’y parehong manggagawa ng Diyos, at kayo ang bukirin niya. Kayo rin ang gusali ng Diyos.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 32, 12-13. 14-15. 20-21
Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.
Mapalad ang bansang ang Poon ang Diyos,
mapalad ang bayang kanyang ibinukod.
Magmula sa langit, kanyang minamasdan
ang lahat ng tao na kanyang nilalang.
Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.
Nagmamasid siya at namamahala
sa lahat ng tao sa balat ng lupa.
Ang isip nila’y sa kanya nagmula
walang nalilingid sa kanilang gawa.
Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.
Ang ating pag-asa’y nasa Panginoon;
Siya ang sanggalang natin at katulong.
Dahilan sa kanya, kami’y natutuwa,
sa kanyang ngalan ay nagtitiwala.
Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.
ALELUYA
Lucas 4, 18
Aleluya! Aleluya!
Ikaw, Kristo ay sinugo
upang sa dukha’y magturo,
magpalaya sa bilanggo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 4, 38-44
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, umalis si Hesus sa sinagoga at nagtungo sa bahay ni Simon. Mataas noon ang lagnat ng biyanan ni Simon, kaya’t ipinamanhik nila kay Hesus na pagalingin siya. Tumayo si Hesus sa tabi ng higaan ng babae at iniutos na maalis ang lagnat, at nawala nga ito. Noon di’y tumindig ang maysakit at naglingkod sa kanila.
Paglubog ng araw, ang lahat ng maysakit — anuman ang karamdaman — ay dinala ng kanilang mga kaibigan kay Hesus. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa bawat isa sa kanila at pinagaling sila. Nagsilabas sa marami ang mga demonyo, sabay sigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos!” Ngunit sinaway sila ni Hesus at hindi pinahintulutang magsalita, sapagkat nakikilala nila na siya ang Mesias.
Nang mag-umaga na, umalis si Hesus at nagpunta sa isang ilang na pook. Hinanap siya ng mga tao, at nang matagpuan ay pinakiusapang huwag munang umalis. Subalit sinabi niya, “Dapat ko ring ipangaral sa ibang bayan ang Mabuting Balita tungkol sa paghahari ng Diyos; sapagkat iyan ang layunin ng pagkasugo sa akin.” At nangaral siya sa mga sinagoga sa Judea.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon
Miyerkules
Katulad ng mga taong nagdala kay Jesus ng lahat ng maysakit o sinasapian ng demonyo, dalhin natin sa ating makalangit na Ama ang lahat ng mga taong puspos ng paghihirap, pagkalumbay at nangangailangan ng mapagpagaling na pagmamahal.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Banal na manggagamot, pagalingin Mo kami.
Ang Simbahan nawa’y mapalaya ang mga tao sa anumang hadlang upang maipahayag ang Ebanghelyo sa mga lalaki at babae sa ating panahon, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang nagugutom na daigdig lalo na ang mga hindi makatarungang pinagkaitan ng pagkain, damit o kalayaan nawa’y busugin ng Panginoon ng pag-asa at kalakasan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nagdurusa sa pag-aalala at pagkabahala nawa’y makatagpo kay Kristo ng sandigan bilang Daan, Katotohanan, at Buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nagdurusa dahil sa pagkakasakit, at may mabigat na pasanin sa buhay, nawa’y makita ang higit na kahulugan ng kanilang buhay sa pagsubok na kanilang hinaharap, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao at nagdadalamhati nawa’y magkaroon ng pag-asa sa Muling Pagkabuhay ni Jesus, manalangin tayo sa Panginoon.
Makapangyarihang Ama, bantayan mo ang iyong pamilya; iligtas at arugain kami sapagkat nasa iyo ang lahat ng aming pag-asa. Hinihiling namin ito sa ngalan ni Kristo aming Panginoon. Amen.