Veritas PH

The WORD. The TRUTH.

Linggo, Pebrero 23, 2025

SHARE THE TRUTH

 4,439 total views

Ika-7 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)

1 Samuel 26, 2. 7-9. 12-13. 22-23
Salmo 102, 1-2. 3-4. 8 at 10. 12-13

Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.

1 Corinto 15, 45-49
Lucas 6, 27-38

Seventh Sunday in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
1 Samuel 26, 2. 7-9. 12-13. 22-23

Pagbasa mula sa unang aklat ni Samuel

Noong mga araw na iyon, lumakad si Saul, kasama ang tatlunlibong piling kawal na Israelita, upang hulihin si David.

Kinagabihan, lihim na pinasok nina David at Abisai ang kampo ni Saul. Dinatnan nila itong tulog na tulog at napaliligiran ni Abner at ng buong hukbo. Ang sibat nito ay nakatarak sa gawing ulunan. Sinabi ni Abisai kay David, “Niloob ng Diyos na mahulog ngayon sa mga kamay mo ang iyong kaaway. Kung ibig mo, tatarakan ko na siya ng sibat. Kapag nasaksak kong minsan iyan, hindi na kakailanganing ulitin.”

Ngunit sinabi ni David, “Huwag mong gagawin iyan. Malaking kasalanan ang magbuhat ng kamay sa hinirang ng Panginoon.” Kinuha nga ni David ang sibat sa ulunan ni Saul at ang lalagyan ng inumin nito, at sila’y umalis. Isa man kina Saul ay walang nagising pagkat pinahimbing sila ng Panginoon. Dumating at umalis sina David nang walang nakaalam.

Pagdating ni David sa kabilang gulod, tumayo siya sa isang mataas na lugar. Sinabi ni David, “Narito ang inyong sibat, mahal na hari. Ipakuha ninyo rito sa isa ninyong tauhan. Ang taong tapat at matuwid ay gagantimpalaan ng Panginoon. Sa araw na ito’y niloob niyang mahulog kayo sa aking mga kamay ngunit hindi ko maaaring pagbuhatan ng kamay ang hinirang ng Panginoon.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 102, 1-2. 3-4. 8 at 10. 12-13

Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.

Panginoo’y papurihan, purihin mo, kaluluwa,
ang pangalan niyang banal purihin mo sa tuwina.
Ikaw, aking kaluluwa, ang Diyos ay papurihan,
at huwag mong lilimutin yaong kanyang kabutihan.

Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.

Ang lahat kong kasalana’y siya ang nagpapatawad,
ang anumang aking sakit, ginagamot niyang lahat.
Sa bingit ng kamatayan ako ay inililigtas,
at pinagpapala ako sa pag-ibig niya’t habag.

Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.

Kay ganda ng kalooban, mahabagin itong Diyos,
kung magalit ay banayad, kung umibig nama’y lubos.
Kung siya ay magparusa, di katumbas ng pagsuway;
di na tayo sinisingil sa nagawang kasalanan.

Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.

Ang silangan at kanluran kung gaano ang distansya
gayung-gayon ang pagtingin sa sinumang nagkasala.
Kung paano nahahabag ang ama sa anak niya
gayun siya nahahabag sa may takot sa kanya.

Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.

IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 15, 45-49

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid, ganito ang sinasabi sa Kasulatan: “Ang unang tao, si Adan, ay nilikhang binigyan ng buhay”; ang huling Adan ay Espiritung nagbibigay-buhay. Ngunit hindi nauna ang panlangit; ang panlupa muna bago panlangit. Ang unang Adan ay mula sa lupa, sapagkat nilikha sa alabok; mula sa langit ang pangalawang Adan. Ang mga katawang panlupa ay tulad ng nagmula sa lupa; ang mga katawang panlangit ay tulad ng nagmula sa langit. Kung paanong tayo’y katulad ng taong nagmula sa lupa, darating ang araw na matutulad din tayo sa nanggaling sa langit.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Juan 13, 34

Aleluya! Aleluya!
Bagong utos, ani Kristo,
mag-ibigan sana kayo
katulad ng pag-ibig ko.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 6, 27-38

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Sinasabi ko sa inyo, mga nakikinig: Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, gawan ninyo ng mabuti ang mga napopoot sa inyo, pagpalain ninyo ang mga sumusumpa sa inyo, idalangin ninyo ang mga umaapi sa inyo. Kapag sinampal ka sa isang pisngi, iharap mo ring ang kabila. Kapag inaagaw ang iyong balabal, ibigay mo pati ang iyong baro. Bigyan mo ang bawat nanghihingi sa iyo: at kung may kumuha sa iyong ari-arian ay huwag mo nang bawiin pa ang mga iyon. Gawin ninyo sa iba ang ibig ninyong gawin nila sa inyo.

“Kung ang iibigin lamang ninyo ang mga umiibig sa inyo, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Kahit ang mga makasalanan ay umiibig din sa mga umiibig sa kanila. At kung ang gagawan lamang ninyo ng mabuti ang gumagawa sa inyo ng mabuti, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Kahit ang mga makasalanan ay gumagawa rin nito! Kung ang pahihiramin lamang ninyo ay ang mga taong inaasahan ninyong makababayad sa inyo, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Kahit ang mga makasalanan ay nagpapahiram din sa mga makasalanan sa pag-asang ang mga ito’y makababayad! Sa halip, ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at gawan ninyo sila ng mabuti. Magpahiram kayo, na hindi umaasa sa anumang kabayaran. Sa gayon, malaking gantimpala ang tatamuhin ninyo, at kayo’y magiging mga anak ng Kataas-taasan. Sapagkat siya’y mabuti sa masasama at sa mga hindi marunong tumanaw ng utang na loob. Maging mahabagin kayo gaya ng inyong Ama.”

“Huwag kayong humatol, at hindi kayo hahatulan ng Diyos. Huwag kayong magparusa at hindi kayo parurusahan ng Diyos. Magpatawad kayo sa inyong kapwa, at patatawarin kayo ng Diyos. Magbigay kayo, at bibigyan kayo ng Diyos: hustong takal, siksik, liglig, at umaapaw pa ang ibibigay sa inyo. Sapagkat ang takalang ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamitin sa inyo.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-7 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)

Bilang pagtugon sa mensahe ng Salita ng Diyos, hilingin natin ang tulong ng Panginoon upang tayo’y magmahal na tulad ng Kanyang itinuro sa atin.

Panginoon, turuan Mo kaming magmahal na tulad Mo!

Para sa Santo Papa at iba pang mga pinunong espirituwal: Tuwina nawa nilang ipahayag ang mahigpit na hinihingi ng pagmamahal at pagpapatawad, at manguna sa pagsasabuhay nito. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng Kristiyanong tinatawagang magtaguyod ng kabihasnan ng buhay at pagmamahal: Magpunyagi nawa silang magpahalaga sa buhay, igalang, at itaguyod ito nang buong ingat sa kanilang sarili at sa kanilang kapwa. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng mga biktima ng karahasan at kawalan ng katarungan: Makahango nawa sila – sa
halimbawa ni Kristo at sa kapangyarihan ng biyaya ng Diyos – nglakas para magpatawad sa mga
nang-aapi sa kanila. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng magulang at mga nagtuturo: Pagtibayin nawa ng kanilang kahandaang magpatawad
ang ipinangangaral nilang pagmamahal maging sa mga nagkasala sa kanila. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng Pilipinong nagsisikap alang-alang sa ikabubuti ng bayan: Matuto nawa silang tumanggi sa kasamaan at magpahalaga sa katapatan at pagmamahal sa kapwa. Manalangin tayo!

Upang ang pamayanang Kristiyano ay matutong tumanggap at umunawa sa mga naisin at pag-aalinlangan ng mga Kabataang nakakaramdam ng panawagang makisama sa misyon ng Panginoong Hesukristo sa pagpapari o pagiging relihiyoso, manalangin tayo!

Panginoon ng habag at pagpapatawad, tibayan nawa ng Iyong pagpapala ang aming puso upang mapatunayan namin sa aming pang-araw-araw na buhay ang pagmamahal na ipinahahayag namin sa Eukaristiyang ito. Isinasamo namin ito sa pamamagitan ni Hesukristong Iyong Anak na nagmamahal at naghahari nang walang hanggan. Amen!

Veritas Editorial

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Sagrado ang ating boto

 2,206 total views

 2,206 total views Mga Kapanalig, ilang tulog na lang, eleksyon na. Isang pakiusap sa lahat ng boboto: kilatising mabuti ang mga kandidatong tatanggap ng ating matamis

Read More »

Makabagong Makapili?

 10,306 total views

 10,306 total views Mga Kapanalig, pamilyar ba kayo sa mga Makapili? Noong World War II, may isang grupong binuo sa tulong ng mga Hapon upang tulungan

Read More »

Saganang eleksyon sa bayang kapos

 28,273 total views

 28,273 total views Mga Kapanalig, bago pa man magsimula ang official campaign period para sa eleksyon 2025, gumastos na ang mga kandidato ng mahigit 10 bilyong

Read More »

Busugin ang mga kumukulong tiyan

 57,730 total views

 57,730 total views Mga Kapanalig, huling araw na ng Abril! Alam n’yo ba na ipinagdiriwang ang Filipino Food Month sa buwang ito? Sa iba’t ibang lugar

Read More »

Pekeng sakripisyo

 78,307 total views

 78,307 total views Mga Kapanalig, katulad ng ibang pagdiriwang sa ating bansa—gaya ng Pasko at Bagong Taon—basura din ang iniwan ng paggunita ng mga Katoliko sa

Read More »

Watch Live

Related Post

Sabado, Mayo 10, 2025

 363 total views

 363 total views Sabado sa Ika-3 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay o kaya Paggunita kay San Juan ng Avila, Pari at Pantas ng Simbahan Mga Gawa 9,

Read More »

Biyernes, Mayo 9, 2025

 710 total views

 710 total views Biyernes sa Ika-3 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Mga Gawa 9, 1-20 Salmo 116, 1. 2 Humayo’t dalhin sa tanan Mabuting Balitang aral.

Read More »

Huwebes, Mayo 8, 2025

 1,306 total views

 1,306 total views Huwebes sa Ika-3 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Mga Gawa 8, 26-40 Salmo 65, 8-9. 16-17. 20 Sangkalupaang nilalang galak sa Poo’y isigaw.

Read More »

Miyerkules, Mayo 7, 2025

 875 total views

 875 total views Miyerkules sa Ika-3 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Mga Gawa 8, 1b-8 Salmo 65, 1-3a. 4-5. 6-7a. Sangkalupaang nilalang, galak sa Poo’y isigaw.

Read More »

Martes, Mayo 6, 2025

 1,663 total views

 1,663 total views Martes sa Ika-3 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Mga Gawa 7, 51 – 8, 1a Salmo 30, 3kd-4. 6ab at 7b at 8a.

Read More »

Lunes, Mayo 5, 2025

 1,946 total views

 1,946 total views Lunes sa Ika-3 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Mga Gawa 6, 8-15 Salmo 118, 23-24. 26-27. 29-30 Mapalad ang sumusunod sa utos ng

Read More »

Linggo, Mayo 4, 2025

 1,853 total views

 1,853 total views Ikatlong Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (K) Mga Gawa 5, 27b-32. 40b-41 Salmo 29, 2 at 4. 5 at 6. 11 at

Read More »

Sabado, Mayo 3, 2025

 2,695 total views

 2,695 total views Kapistahan nina Apostol San Felipe at Santiago 1 Corinto 15, 1-8 Salmo 18, 2-3. 4-5 Laganap na sa daigdig ang kanilang mga tinig.

Read More »

Biyernes, Mayo 2, 2025

 2,912 total views

 2,912 total views Paggunita kay San Atanasio, obispo at pantas ng Simbahan Mga Gawa 5, 34-42 Salmo 26, 1. 4. 13-14 Ang tanging aking mithii’y Panginoo’y

Read More »

Huwebes, Mayo 1, 2025

 582 total views

 582 total views Paggunita kay San Jose, manggagawa Genesis 1, 26 – 2, 3 o kaya Colosas 3, 14-15. 17. 23-24 Salmo 89, 2. 3-4. 12-13. 14

Read More »

Miyerkules, Abril 30, 2025

 4,162 total views

 4,162 total views Miyerkules sa Ika-2 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay o kaya Paggunita kay San Pio V, papa Mga Gawa 5, 17-26 Salmo 33, 2-3. 4-5.

Read More »

Martes, Abril 29, 2025

 4,543 total views

 4,543 total views Pagggunita kay Santa Catalina de Siena, dalaga at pantas ng Simbahan Mga Gawa 4, 23-27 Salmo 92, 1ab. 1k-2. 5 Panginoo’y naghari na!

Read More »

Lunes, Abril 28, 2025

 5,158 total views

 5,158 total views Lunes sa Ika-2 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay o kaya Paggunita kay San Pedro Chanel, pari at martir o kaya Paggunita kay San Luis Maria

Read More »

Linggo, Abril 27, 2025

 5,566 total views

 5,566 total views Ikalawang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (K) Mga Gawa 5, 12-16 Salmo 117, 2-4. 22-24. 25-27a Butihing Poo’y purihin pag-ibig n’ya’y walang

Read More »

Sabado, Abril 26, 2025

 5,856 total views

 5,856 total views Sabado sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay Mga Gawa 4, 13-21 Salmo 117, 1 at 14-15. 16ab-18. 19-21 Pinupuri

Read More »
Scroll to Top