6,482 total views
Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Deuteronomio 4, 1-2. 6-8
Salmo 14, 2-3a. 3kd-4ab. 5
Sino kayang tatanggapin
sa templo ng Poon natin?
Santiago 1, 17-18. 21b-22. 27
Marcos 7, 1-8. 14-15. 21-23
Twenty-second Sunday in Ordinary Time (Green)
World Day of Prayer for the Care of Creation
UNANG PAGBASA
Deuteronomio 4, 1-2. 6-8
Pagbasa mula sa aklat ng Deuteronomio
Sinabi ni Moises sa mga tao: “Ngayon, mga Israelita, upang mabuhay kayo nang matagal at makarating sa lupaing ibinigay sa inyo ng Panginoon, unawain ninyong mabuti at sundin ang tuntuning itinuturo ko sa inyo. Huwag ninyo itong daragdagan ni babawasan. Sundin ninyo ito nang walang labis at walang kulang. Unawain ninyo ito at sunding mabuti. Sa gayon, makikita ng ibang bansa ang inyong karunungan at lawak ng pang-unawa. Sa gayon, hindi nila mapipigilang sabihin ang ganito: ‘Ang bansang ito’y matalino at may malawak na pagkaunawa.’
“Sinong diyos ng ibang bansa ang handang tumulong anumang oras liban sa Panginoon? Aling bansa ang may tuntuning kasing inam ng mga tuntuning ibinigay ko sa inyo ngayon?”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 14, 2-3a. 3kd-4ab. 5
Sino kayang tatanggapin
sa templo ng Poon natin?
Yaong mga masunurin na sa iyo’y nakikinig,
at ang laging ginagawa’y naaayon sa matuwid,
kung mangusap ay totoo, sa lahat at bawat saglit,
yaong gawang paninira’y hindi niya naiisip.
Sino kayang tatanggapin
sa templo ng Poon natin?
Kailanman, siya’y tapat makisama sa kapwa,
sa kanyang kaibiga’y wala siyang maling gawa;
hindi siya nagkakalat ng di tunay na balita.
At itinatampok niya ang matapat sa lumikha.
Sino kayang tatanggapin
sa templo ng Poon natin?
Hindi siya humihingi ng patubo sa pautang,
at kahit na anong gawi’y hindi siya masuhulan,
upang yaong walang sala’y patawan ng kasalanan.
Ang ganitong mga tao’y mag-aani ng tagumpay.
Sino kayang tatanggapin
sa templo ng Poon natin?
IKALAWANG PAGBASA
Santiago 1, 17-18. 21b-22. 27
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol Santiago
Mga kapatid, bawat kaloob na mabuti at ganap ay buhat sa langit, mula sa Ama na lumikha ng mga tanglaw sa langit. Hindi siya nagbabago. Hindi niya tao iniiwan o binabayaan man sa dilim. Niloob niyang tayo’y maging anak niya sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, upang matangi tayo at maging higit sa lahat ng kanyang mga nilalang.
Buong pagpapakumbabang tanggapin ang salita ng Diyos na natanim sa inyong puso. Ito ang makapagliligtas sa inyo.
Mamuhay kayo ayon sa salita ng Diyos. Kung ito’y pinakikinggan lamang ninyo ngunit hindi isinasagawa, dinadaya ninyo ang inyong sarili.
Ganito ang pagkarelihiyoso na minamarapat at kinalulugdan ng ating Diyos at Ama: tulungan ang mga ulila at mga babaing balo sa kanilang kahirapan, at ingatan ang sarili na huwag mahawa sa kasamaan ng sanlibutang ito.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Santiago 1, 18
Aleluya! Aleluya!
Magulang nati’y D’yos Ama,
anak ng salita niya
tayong mga aning una.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 7, 1-8. 14-15. 21-23
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, may mga Pariseo at ilang eskribang galing sa Jerusalem, na lumapit kay Hesus. Nakita nila na ang ilan sa mga alagad ni Hesus ay kumain nang hindi muna naghugas ng kamay sa paraang naaayon sa turong minana nila.
Ang mga Judio, lalo na ang mga Pariseo, ay hindi kumakain hangga’t hindi nakapaghuhugas ng kamay ayon sa mga turong minana nila sa kanilang mga ninuno. Hindi rin sila kumakain ng anumang galing sa palengke nang hindi muna ito hinuhugasan. At marami pang ibang minanang turo ang kanilang sinusunod, tulad ng tanging paraan ng paghuhugas ng mga inuman, ng mga saro, ng mga sisidlang tanso, at mga higaan.
Kaya’t tinanong si Hesus ng mga Pariseo at mga eskriba, “Bakit hindi sumusunod ang mga alagad mo sa mga turo ng ating mga ninuno? Kumain sila nang hindi man lamang naghugas ng kamay ayon sa paraang iniutos!” Sinagot sila ni Hesus, “Tama ang hula ni Isaias tungkol sa inyo. Mapagpaimbabaw nga kayo, gaya ng kanyang isinulat:
‘Paggalang na handog sa ‘kin ng bayan ko’y paimbabaw lamang,
sapagkat sa bibig at hindi sa puso ito bumubukal.
Pagpuri’t pagsambang ginagawa nila’y walang kabuluhan,
ang utos ng tao ay itinuturong utos ng Maykapal.’
Niwawalang-kabuluhan nga ninyo ang utos ng Diyos, at ang sinusunod ninyo’y ang turo ng tao.”
Muling pinalapit ni Hesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayong lahat, at unawain ang aking sasabihin! Hindi ang pumapasok sa bibig ng tao ang nakapagpaparumi sa kanya sa mata ng Diyos kundi ang mga nagmumula sa kanya.
“Sapagkat sa loob – sa puso ng tao – nagmumula ang masasamang isipang nag-uudyok sa kanya na makiapid, magnakaw, pumatay, mangalunya, mag-imbot, at gumawa ng lahat ng kabuktutan, tulad ng pagdaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang-puri, kapalaluan, at kahangalan. Ang lahat ng ito’y nanggagaling sa puso ng tao, at siyang nagpaparumi sa kanya.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Ipinaaalaala sa atin ngayon ng Mabuting Balita ang dakilang kahalagahan ng paglinang ng tamang saloobing moral at ng pagsunod sa utos ng Diyos. Bunsod ng pananalig sa Kanyang pagmamahal sa atin, manalangin tayo:
Bukal ng kabanalan, dinggin Mo kami!
Para sa Simbahan at mga pinuno nito: Nawa’y isaayos nila ang kanilang mga pinahahalagahan nang hindi napadadala sa mga uso o sa hinihingi ng pagkakataon. Manalangin tayo!
Para sa lahat ng mga magulang: Nawa’y turuan nila ang kanilang mga anak sa pamamagitan ng salita at mabubuting halimbawa, at nawa’y ang kanilang asal ay tuwinang gabayan ng utos ng Diyos. Manalangin tayo!
Para sa lahat ng nagtuturo ng Relihiyon: Nawa’y akayin nila ang kanilang mga estudyante sa isang maayos na pagtanggap sa mga pagpapahalaga ng Ebanghelyo upang mamuhay alinsunod sa ganitong mga pagpapahalaga. Manalangin tayo!
Para sa kabataan sa buong mundo, lalo na sa ating bansa: Nawa’y tanggihan nila ang anumang panghamak at di-karapat-dapat sa tao, at tupdin ang sa kanila’y nagpapadakila. Manalangin tayo!
Para sa ating lahat: Nawa’y mapanatili natin na walang bahid ng maruruming isipan at hangarin ang ating mga puso. Manalangin tayo!
Para sa lahat ng kasapi sa “catechetical ministry”: Nawa sila’y suportahan ng kanilang komunidad sa kanilang mahalagang misyong pagtuturo ng pananampalataya. Manalangin tayo!
Panginoong Diyos, isinugo Mo ang Iyong Anak upang ipaalaala sa amin ang pangangailangan sa mga tamang pagpapahalaga sa buhay. Ipagkaloob Mo sa amin ang biyaya na malaman namin ang tama, gawin ang mabuti, at magpunyagi sa paglilingkod sa Iyo hanggang sa wakas ng aming buhay.
Amen!