5,184 total views
Sabado ng Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado
1 Corinto 1, 26-31
Salmo 32, 12-13. 18-19. 20-21
Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.
Mateo 25, 14-30
Saturday of the Twenty-first Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of the Blessed Virgin Mary on Saturday (White)
UNANG PAGBASA
1 Corinto 1, 26-31
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, alalahanin ninyo ang inyong katayuan nang kayo’y tawagin ng Diyos. Iilan lamang sa inyo ang sa paningin ng sanlibutan ay marunong, makapangyarihan at maharlika. Subalit pinili ng Diyos ang sa palagay ng sanlibutan ay kahangalan upang hiyain ang marurunong, at ang mahihina sa turing ng sanlibutan upang hiyain ang malalakas. Pinili niya ang mga itinuturing na hamak, walang halaga, at walang kabuluhan sa sanlibutang ito upang pawalang-halaga ang itinuturing na dakila sa sanlibutan. Kaya’t walang maaaring magmalaki sa harapan ng Diyos. Sa kanya mula ang ating pakikipag-isa kay Kristo Hesus, na ginawang karunungan natin. Sa pamamagitan niya, tayo’y pinawalang-sala ng Diyos, pinapaging-banal at iniligtas. Kaya nga, tulad ng nasasabi sa Kasulatan, “Ang Panginoon ang dapat ipagmalaki ng may ibig magmalaki.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 32, 12-13. 18-19. 20-21
Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.
Mapalad ang bansang ang Poon ang Diyos,
mapalad ang bayang kanyang ibinukod.
Magmula sa langit, kanyang minamasdan
ang lahat ng tao na kanyang nilalang.
Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.
Ang may takot sa Diyos, at nagtitiwala
sa kanyang pag-ibig, ay kinakalinga.
Hindi babayaang sila ay mamatay,
kahit magtaggutom sila’y binubuhay.
Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.
Ang ating pag-asa’y nasa Panginoon;
siya ang sanggalang natin at katulong.
Dahilan sa kanya, kami’y natutuwa,
sa kanyang ngalan ay nagtitiwala.
Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.
ALELUYA
Juan 13, 34
Aleluya! Aleluya!
Bagong utos, ani Kristo,
mag-ibigan sana kayo
katulad ng pag-ibig ko.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 25, 14-30
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad ang talinghagang ito: “Ang paghahari ng Diyos ay maitutulad dito: May isang taong maglalakbay, kaya tinawag niya ang kanyang mga alipin at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang ari-arian. Binigyan niya ng salapi ang bawat isa ayon sa kanya-kanyang kakayahan: binigyan niya ang isa ng limang libong piso, ang isa nama’y dalawang libong piso, at ang isa pa’y isang libong piso. Pagkatapos, siya’y umalis. Humayo agad ang tumanggap ng limang libong piso at ipinangalakal iyon. At nagtubo siya ng limang libong piso. Gayun din naman, ang tumanggap ng dalawang libong piso ay nagtubo ng dalawang libong piso. Ngunit ang tumanggap ng isang libong piso ay humukay sa lupa at itinago ang salapi ng kanyang panginoon.
Pagkaraan ng mahabang panahon, bumalik ang panginoon ng mga aliping iyon at pinapagsulit sila. Lumapit ang tumanggap ng limang libo. Wika niya, ‘Panginoon, heto po ang limang libo na bigay ninyo sa akin. Heto pa po ang limang libo na tinubo ko.’ Sinabi sa kanya ng panginoon, ‘Magaling! Tapat at mabuting alipin! Yamang naging tapat ka sa kaunting halaga, pamamahalain kita sa malaking halaga. Makihati ka sa aking kagalakan!’ Lumapit din ang tumanggap ng dalawang libo, at ang sabi, ‘Panginoon, heto po ang ibinigay ninyong dalawang libo. Heto naman po ang dalawang libong piso na tinubo ko.’ Sinabi ng kanyang panginoon, ‘Magaling! Tapat at mabuting alipin! Naging tapat ka sa kaunting halaga, kaya pamamahalain kita sa malaking halaga. Makihati ka sa aking kagalakan.’ At lumapit naman ang tumanggap ng isang libong piso. ‘Alam ko pong kayo’y mahigpit,’ aniya. ‘Gumagapas kayo sa hindi ninyo tinamnan, at nag-aani sa hindi ninyo hinasikan. Natakot po ako, kaya’t ibinaon ko sa lupa ang inyong salapi. Heto na po ang isang libo ninyo.’ ‘Masama at tamad na alipin!’ tugon ng kanyang panginoon. ‘Alam mo palang gumagapas ako sa hindi ko tinamnan at nag-aani sa hindi ko hinasikan! Bakit hindi mo iyan inilagak sa bangko, di sana’y may nakuha akong tubo ngayon? Kunin ninyo sa kanya ang isang libong piso at ibigay sa may sampung libo. Sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, at mananagana; ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa. Itapon ninyo sa kadiliman sa labas ang aliping walang kabuluhan. Doo’y tatangis siya at magngangalit ang kanyang ngipin.’”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon
Sabado
Sa ating pagharap sa luklukan ng paghahatol ng Diyos, isusulit natin ang wastong paggamit o pagwawaldas ng mga biyayang ipinagkatiwala sa atin. Sa panalangin, hilingin natin ang tulong ng ating Tagapaglikha.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panatilihin Mong nag-aalab
ang aming buhay para sa Iyo, O Panginoon.
Ang marami at iba’t ibang biyaya ng kanyang mga kasapi nawa’y mapakinabangan ng Simbahan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga opisyal ng gobyerno nawa’y igalang ang plano ng Diyos sa pamamagitan ng pagtatanggol at pagtataguyod sa kahalagahan ng sangnilikha, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang lahat ng tao nawa’y magsalu-salo sa biyaya ng lupa at makiisa ang bawat tao sa pagkakaroon ng makatao at mayamang kaunlaran sa ating bansa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga doktor, mga nars, at yaong mga nasa pangangalaga ng kalusugan nawa’y gamitin ang likas na biyayang bigay sa kanila upang dalhin ang pag-ibig at habag ni Kristo sa mga dukha, nalulumbay, maysakit, at mga bilanggo, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa ating mga mahal na yumaong kamag-anak at kaibigan nawa’y ipagkaloob ang walang hanggang kapahingahan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, tulungan mo kaming manatiling tapat sa mga maliliit na bagay ng buhay upang mapagkatiwalaan mo kami ng mga higit na dakilang bagay kapag pumasok na kami sa iyong Kaharian. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.