
Karapatan sa disenteng tahanan
1,054 total views
Mga Kapanalig, karapatan ng bawat tao ang magkaroon ng disenteng tahanan. Para masabing disente, dapat itong sapat, ligtas, may seguridad, at nagbibigay-daan sa pag-unlad. Pero madalas, itinuturing ang bahay bilang produkto o instrumento ng pagpapayaman, kaya para sa libu-libong pamilya, ito ay nananatiling pangarap na mahirap abutin.
Noong ilunsad ni Pangulong Bongbong Marcos Jr ang 4PH o ang Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program noong 2022, nilayon nitong solusyunan ang 6.5 milyong housing backlog ng bansa at magkaroon ng “zero informal settler families” sa pamamagitan ng pagtatayô ng anim na milyong housing units. Noong 2024, ibinabâ sa 1.3 milyong units ang target ng 4PH. Sa ngayon, nasa 580,000 na units pa lang ang naitayo o napondohan ng gobyerno. Dalawang taon na lang ang natitira sa termino ng administrasyon ni PBBM, pero hindi pa ito nangangalahati sa panibagong housing target nito. Alang-alang sa ating mga kababayan, sana nga ay matupad ng administrasyon ang pangako nito.
Sa usapin naman ng homelessness o kawalan ng tirahan, inilunsad ng Department of Social Welfare and Development (o DSWD) ang Pag-Abot Program para tulungan ang mga pamilyang namumuhay sa mga lansangan. Layunin nitong tugunan ang mga batayang pangangailangan nila gaya ng pagkain, kalusugan, kabuhayan, edukasyon, at pansamantalang matutuluyan. Ayon sa Office of the President, nasa 20,000 na indibidwal ang naabot ng programa.
Ang usapin ng homelessness o kawalan ng tirahan ay isa sa pinakalantad na problema sa ating mga siyudad. Nakikita natin ito sa mga nakatira sa lansangan o pampublikong espasyo. Nakikita natin sila na may mga kariton at nakalatag na karton, sa mga bangketa at sa ilalim ng tulay. Pero sa kakulangan ng mga pag-uulat, pag-aaral, at pambansang plano upang tugunan ang isyu, hindi ito binibigyan ng sapat na atensyon. Hindi nga ito nabanggit sa SONA.
Ayon sa ating Simbahan, ang pagpapatuloy ng homelessless ay dapat bumabagabag sa konsensya ng pandaigdigang komunidad. Kailangang tugunan ang kawalan ng tirahan para makapagtaguyod ng tinatawag na sustainable cities kung saan nabibigyan ng pagkakataon ang bawat tao na umunlad at mag-ambag sa kabutihang panlahat o common good. Deserve ng bawat tao na magkaroon ng lugar na matatawag niyang tahanan kung saan maaari siyang magtaguyod ng pamilya, magkaroon ng mga kaibigan, at maging bahagi ng kanyang komunidad. Ang pabahay ay hindi lang dapat tinitingnan bilang commodity o financial asset na pwedeng pagkakitaan; pundasyon ito ng lipunang naglilingkod para sa common good.
Ang disenteng pabahay ay isang karapatang pantao, at tungkulin ng pamahalaan na pangalagaan ang karapatang ito. Hindi sapat ang pagtatayo ng pisikal na istruktura at pagbibigay ng panandaliang tulong sa mga nangangailangan. Kailangang putulin ng pamahalaan ang ugat ng kawalan ng tirahan at ng kasiguruhan sa paninirahan. Dapat na ring matapos ang malalim at malawakang katiwalian sa pamahalaan kung saan bilyun-bilyong piso ang ninanakaw ng magkakasabwat na mga pulitiko, opisyal ng gobyerno, at negosyante. Ang kawalan ng disenteng pabahay ng libu-libong pamilya ay nakaugat din sa sistema ng ekonomiya at pag-unlad kung saan nasa kamay at bulsa ng iilan ang yamang dapat pinagsasaluhan ng lahat. Ito ang nangyayari kapag mga patakarang inuuna ang interes ng mga makapangyarihan at mayayaman ang umiiral.
Mga Kapanalig, ang pangangalaga sa karapatan sa disenteng tahanan ay responsabilidad ng pamahalaan. Pero bilang mga Katoliko, tungkulin din natin ang magbigay ng malasakit at pagkalinga sa ating kapwa, gaya ng paalala sa Isaias 58:7: “Ang mga nagugutom ay inyong pakainin, ang mga walang tirahan ay inyong patuluyin. Ang mga walang maisuot ay inyong bigyan ng mga damit.” Kaya naman, huwag tayong tumigil sa paniningil sa mga iniluklok natin sa pamahalaan para itaguyod ang napakahalagang karapatan sa disenteng tahanan.
Sumainyo ang katotohanan.





