430 total views
Martes ng Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita sa Dakilang San Alberto, obispo at pantas ng Simbahan
Pahayag 3, 1-6. 14-22
Salmo 14, 2-3ab. 3kd-4ab. 5
Luluklok ang nagtagumpay,
kasalo ko habambuhay.
Lucas 19, 1-10
Tuesday of the Thirty-third Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Albert the Great, Bishop and Doctor of the Church (White)
UNANG PAGBASA
Pahayag 3, 1-6. 14-22
Pagbasa mula sa aklat ng Pahayag
Ako’y si Juan, narinig ko ang Panginoon at sinabi niya sa akin, “Isulat mo sa anghel ng simbahan sa Sardis:
“Ito ang sinasabi ng may pitong espiritu ng Diyos at may pitong bituin. Nalalaman ko ang ginagawa mo; ipinalalagay kang buhay, ngunit ang totoo, ikaw ay patay. Gumising ka, at pasiglahin mo ang mga bagay na nalalabi sa iyo, nang di tuluyang mamatay. Nakikita kong hindi pa ganap ang mga nagawa mo sa paningin ng aking Diyos. Alalahanin mo kung paano mong tinanggap ang mga aral na iyong narinig. Isagawa mo ang mga yaon, pagsisihan mo’t talikdan ang iyong kasamaan. Kung hindi ka gigising, paririyan akong gaya ng magnanakaw – hindi mo malalaman ang oras ng aking pagdating. Gayunman, may ilan diyan sa Sardis na nag-ingat at napanatiling malinis ang kanilang damit, kaya’t magiging kasama-sama ko silang naka-suot ng puti sapagkat sila’y karapat-dapat. Ang magtatagumpay ay daramtan din ng puti, at hindi ko aalisin sa aklat ng buhay ang kanyang pangalan. Kikilalin ko siya sa harapan ng aking Ama at ng kanyang mga anghel.
“Kung may pandinig kayo, dinggin ninyo ang sinasabi ng Espiritu sa mga simbahan!
“Isulat mo sa anghel ng simbahan sa Laodicea:
“Ito ang sinasabi niya na ang pangalan ay Amen, ang matapat at tunay na saksi, at siyang pinagmulan ng lahat ng nilalang ng Diyos. Nalalaman ko ang mga ginawa mo. Alam kong hindi ka malamig ni mainit. Maano sanang malamig ka o mainit! Ngunit dahil sa ikaw ay malahininga – hindi mainit ni malamig – isusuka kita! Sasabihin mo, ‘Ako’y mayaman at sagana sa lahat ng bagay!’ Ngunit hindi mo nalalamang ikaw ay abang-aba, kahabag-habag, maralita, hubad, at bulag. Kaya nga, ipinapayo kong bumili ka sa akin ng dinalisay na ginto upang ikaw ay maging tunay na mayaman. Bumili ka rin ng puting damit upang matakpan ang nakahihiya mong kahubaran, at ng gamot sa mata nang ikaw ay makakita. Tinuturuan ko’t sinusupil ang lahat ng aking iniibig. Kaya nga, magsikap ka; pagsisihan mo’t talikdan ang iyong kasalanan. Nakatayo ako sa labas ng pintuan at tumututok. Kung diringgin ang aking tinig at bubuksan ang pinto, ako’y papasok sa kanyang tahanan at magkasalo kaming kakain. Ang magtatagumpay ay uupong katabi ko sa aking luklukan, kung paanong ako’y nagtagumpay, at nakaupo ngayon sa tabi ng aking Ama sa kanyang luklukan.
“Kung may pandinig kayo, dinggin ninyo ang sinasabi ng Espiritu sa mga simbahan!”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 14, 2-3ab. 3kd-4ab. 5
Luluklok ang nagtagumpay,
kasalo ko habambuhay.
Yaong mga masunurin na sa iyo’y nakikinig,
at ang laging ginagawa’y naaayon sa matuwid,
kung mangusap ay totoo, sa lahat at bawat saglit,
yaong gawang paninira’y hindi niya naiisip.
Luluklok ang nagtagumpay,
kasalo ko habambuhay.
Kailanman, siya’y tapat makisama sa kapwa,
sa kaniyang kaibiga’y wala siyang maling gawa;
hindi siya nagkakalat ng di tunay na balita.
At itinatampok niya ang matapat sa lumikha.
Luluklok ang nagtagumpay,
kasalo ko habambuhay.
Hindi siya humihingi ng patubo sa pautang,
at kahit na anong gawi’y hindi siya masuhulan,
upang yaong walang sala’y patawan ng kasalanan.
Ang ganitong mga tao’y mag-aani ng tagumpay.
Luluklok ang nagtagumpay,
kasalo ko habambuhay.
ALELUYA
1 Juan 4, 10b
Aleluya! Aleluya!
Inibig tayo ng Ama,
isinugo ang Anak n’ya
bilang panubos sa sala.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 19, 1-10
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, pumasok si Hesus sa Jerico, at naglakad sa kabayanan. Doo’y may isang mayamang puno ng mga publikano na nagngangalang Zaqueo. At pinagsikapan niyang makita si Hesus upang makilala kung sino ito. Ngunit siya’y napakapandak, at dahil sa dami ng tao, hindi niya makita si Hesus. Kaya’t patakbo siyang nagpauna at umakyat sa isang puno ng sikomoro upang makita si Hesus na magdaraan doon. Pagdating ni Hesus sa dakong iyon, siya’y tumingala at sinabi sa kanya, “Zaqueo, bumaba ka agad, sapagkat kailangan kong tumuloy ngayon sa bahay mo.” Nagmamadali siyang bumaba, at tuwang-tuwang tinanggap si Hesus. Lahat ng nakakita nito ay nagbulung-bulungan. “Nakikituloy siya sa isang makasalanan,” wika nila. Tumayo si Zaqueo at sinabi, “Panginoon, ibibigay ko po sa mga dukha ang kalahati ng aking ari-arian. At kung ako’y may nadayang sinuman, apat na ibayo ang isasauli ko sa kanya.” At sinabi sa kanya ni Hesus, “Ang kaligtasa’y dumating ngayon sa sambahayang ito; lipi rin ni Abraham ang taong ito. Sapagkat naparito ang Anak ng Tao upang hanapin at iligtas ang naligaw.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon
Martes
Sa pagtatagpo ng Panginoon at ni Zakeo, nakita natin na ang tunay na habag ang pinakamatatag na pinagmumulan ng katarungan. Nananalangin tayo bilang mga makasalanan, sa ngalan ng mga makasalanan. Ang ating mga panalangin nawa’y magpahayag ng panatag na tiwala sa banal na awa ng Diyos.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Banal na Awa, basbasan mo kami.
Ang Simbahan nawa’y patuloy na tanggapin ang mga naghahangad ng kapatawaran at kapayapaan ng kalooban, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nagpapatakbo ng ating kalakalan at industriya nawa’y maging mapagbigay at makatarungan, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y maging handa sa pagsalubong sa Panginoon anumang oras siya dumating sa ating buhay at hayaan siyang manahan sa ating mga puso, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y makita na bahagi ng nakapagliligtas na krus ni Kristo ang kanilang mga pagsubok at paghihirap, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y gantimpalaan ng walang hanggang kaligayahan sa buhay ng mundong darating, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming Diyos, punuin mo ang aming mga puso ng iyong pag-ibig. Ipagkaloob mo sa amin ang iyong mapagligtas na tulong kapag kami ay magkasala at nawa’y panatilihin mo kami sa iyong pagkalinga. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.