3,101 total views
Paggunita kina San Carlos Luwanga at mga kasama, mga martir
Sirak 51, 17-27
Salmo 18, 8. 9. 10. 11
Ating kabutiha’t lugod
ay nasa loobin ng D’yos.
Marcos 11, 27-33
Memorial of St. Charles Lwanga and Companions, Martyrs (Red)
Mga Pagbasa mula sa
Sabado ng Ika-8 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
UNANG PAGBASA
Sirak 51, 17-27
Pagbasa mula sa aklat ni Sirak
Pinasasalamatan kita at pinupuri,
O Panginoon, pinupuri kita!
Nang ako’y bata pa, bago pa ako naglakbay,
ang lagi ko nang dalangin ay pagkalooban ako ng Karunungan.
Nagpunta ako sa templo at siya ang aking hiniling,
at siya kong hahanapin magpahanggang wakas.
Mula sa aking kabataan hanggang sa aking pagtanda,
ang Karunungan lamang ang kagalakan ng aking puso.
Mula pa sa aking pagkabata, sinikap ko nang mamuhay nang matuwid,
masundan ko lamang ang landas ng Karunungan.
Nagsisimula pa lamang akong makinig
ay nakamtan ko na ang Karunungan;
sa gayon ay nakatuklas ako ng maraming aral.
Lagi kong sinikap na matuto,
at nagpapasalamat ako sa lahat ng nagturo sa akin.
Ang aking panata’y mamuhay ako
ayon sa tuntunin ng Karunungan,
at sinikap kong laging gumawa ng mabuti,
at ito’y hindi ko pagsisisihan magpakailanman.
Sinikap kong mabuti na mag-angkin ng Karunungan,
at naging maingat ako sa aking pag-uugali.
Lagi kong kinikilala ang aking kakapusan sa bagay na ito,
kaya’t sa Diyos ako humihingi ng tulong.
Siya ang laging nilulunggati ng aking puso,
at nagtagpuan ko siya sa pamamagitan ng malinis na pamumuhay.
Umunlad ako sa Karunungan mula pa nang siya’y aking natagpuan
at hindi ko na siya hihiwalayan kailanman.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 18, 8. 9. 10. 11
Ating kabutiha’t lugod
ay nasa loobin ng D’yos.
Ang batas ng Panginoon ay batas na walang kulang,
ito’y utos na ang dulot sa tao ay bagong buhay;
yaong kanyang mga batas ay mapagtitiwalaan,
nagbibigay ng talino sa pahat ang kaisipan.
Ating kabutiha’t lugod
ay nasa loobin ng D’yos.
Ang tuntuning ibinigay ng Poon ay wastong utos,
liligaya ang sinuman kapag ito ang sinunod;
ito’y wagas at matuwid pagkat mula ito sa Diyos,
pang-unawa ng isipan yaong bungang idudulot.
Ating kabutiha’t lugod
ay nasa loobin ng D’yos.
Yaong paggalang sa Poon ay marapat at mabuti,
isang banal na tungkulin na iiral na parati;
pati mga hatol niya’y matuwid na kahatulan,
kapag siya ang humatol, ang pasiya ay pantay-pantay.
Ating kabutiha’t lugod
ay nasa loobin ng D’yos.
Ito’y higit pa sa ginto, na maraming nagnanais.
Higit pa sa gintong lantay na ang hangad ay makamit;
matamis pa kaysa pulot, sa pulot na sakdal tamis,
kahit anong pulot ito na dalisay at malinis.
Ating kabutiha’t lugod
ay nasa loobin ng D’yos.
ALELUYA
Colosas 3, 16a. 17k
Aleluya! Aleluya!
Nawa sa inyo’y manahan
salita ni Kristong banal
upang s’ya’y pasalamatan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 11, 27-33
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, pumunta na naman si Hesus at ang mga alagad sa Jerusalem. Samantalang si Hesus ay naglalakad sa templo, nilapitan siya ng mga punong saserdote, ng mga eskriba, at ng matatanda ng bayan. Tinanong siya, “Ano ang karapatan mong gumawa ng mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng karapatang ito?” Sumagot si Hesus, “Tatanungin ko rin kayo. Pag sinagot ninyo ako, saka ko naman sasabihin sa inyo kung ano ang karapatan kong gumawa ng mga bagay na ito. Kanino nagmula ang karapatan ni Juan upang magbinyag – sa Diyos ba o sa mga tao?” At sila’y nag-usap-usap: “Kung sabihin nating mula sa Diyos, itatanong naman niya sa atin, ‘Bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan?’ Ngunit kung sabihin nating mula sa tao,” natatakot naman sila at baka kung ano ang gawin sa kanila ng mga tao, sapagkat kinikilala ng lahat na si Juan ay isang propeta. Kaya’t sumagot sila kay Hesus, “Hindi namin alam!” Sinabi ni Hesus sa kanila, “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung ano ang karapatan kong gumawa ng mga ginawa ko.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikawalong Linggo sa Karaniwang Panahon
Sabado
Sa pamamagitan ng Ebanghelyo, nangungusap si Kristo sa atin ng mga salitang may walang hanggang kapangyarihan at gawaing nakapagpapagaling. Sa pamamagitan niya, may pananalig tayong manalangin.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, sumaamin nawa ang iyong kapangyarihan.
Ang Simbahan nawa’y makapangyarihang ituro ang walang hanggang katotohanan ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinuno ng daigdig nawa’y huwag maging matigas ang mga puso na parang bato sa kanilang pakikinig sa tinig ni Kristo sa mga pangyayari sa ngayon, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong mga nag-iisip na pumasok sa buhay relihiyoso at magtatalaga ng kanilang buhay sa Diyos nawa’y sundin ang kalooban ng Diyos na itinakda sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa pamamagitan ng ating malinis at banal na pamumuhay nawa’y mapawi ang mga impluwensya ng masasamang espiritu sa ating lipunan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga tapat na yumao nawa’y makinabang sa sinag ng liwanag ng buhay na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.
Makapangyarihang Ama, ibinibigay namin sa iyo ang aming mga pangangailangan at nananalangin kami nang may pananalig sa iyong tulong at awa. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.