3,042 total views
Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Isang Diyos (A)
Exodo 34, 4b-6. 8-9
Daniel 3, 52. 53. 54. 55. 56
Purihin at ipagdangal
ang Diyos magpakailanman.
2 Corinto 13, 11-13
Juan 3, 16-18
The Solemnity of the Most Holy Trinity (White)
Basic Ecclesial Community Sunday
UNANG PAGBASA
Exodo 34, 4b-6. 8-9
Pagbasa mula sa aklat ng Exodo
Noong mga araw na iyon, tumapyas si Moises ng dalawang bato at dinala kinaumagahan sa Bundok ng Sinai.
Ang Panginoon ay bumaba sa ulap, lumagay sa tabi ni Moises at binanggit ang kanyang pangalan: Panginoon.
Ang Panginoon ay nagdaan sa harapan ni Moises. Sinabi niya, “Akong Panginoon ay mapagmahal at maawain. Hindi ako madaling magalit; patuloy kong ipinadarama ang aking pag-ibig at ako’y nananatiling tapat.”
Nanikluhod si Moises at sumamba sa Panginoon. Sinabi niya, “Kung talagang kinalulugdan ninyo ako, isinasamo kong samahan ninyo kami kahit na matigas ang ulo ng lahing ito. Patawarin na ninyo kami at tanggapin bilang inyong bayan.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Daniel 3, 52. 53. 54. 55. 56
Purihin at ipagdangal
ang Diyos magpakailanman.
Pinupuri ka namin, Panginoon;
Diyos ng aming mga ninuno;
karapat-dapat kang ipagdangal at dakilain magpakailanman.
Purihin ang iyong banal at maluwalhating pangalan,
nararapat purihin at ipagdangal magpakailanman.
Purihin at ipagdangal
ang Diyos magpakailanman.
Purihin ka sa iyong banal at marangal na tahanan;
lubhang karapat-dapat kang awitan at dakilain magpakailanman.
Purihin at ipagdangal
ang Diyos magpakailanman.
Purihin ka, na nakaluklok sa maringal mong trono.
Karapat-dapat kang awitan at dakilain magpakailanman.
Purihin at ipagdangal
ang Diyos magpakailanman.
Mula sa iyong luklukan sa ibabaw ng mga kerubin,
nakikita mo ang kalaliman, ang daigdig ng mga patay.
Karapat-dapat kang purihin at dakilain magpakailanman.
Purihin at ipagdangal
ang Diyos magpakailanman.
Purihin ka sa buong sangkalangitan;
karapat-dapat kang awitan at dakilain magpakailanman.
Purihin at ipagdangal
ang Diyos magpakailanman.
IKALAWANG PAGBASA
2 Corinto 13, 11-13
Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, sikapin ninyong maging ganap at sundin ninyo ang mga payo ko; magkaisa kayo, at mamuhay nang payapa. Sa gayun, sasainyo ang Diyos ng pag-ibig at kapayapaan.
Magbatian kayo bilang magkakapatid kay Kristo. Kinukumusta kayo ng lahat ng mga kapatid sa simbahan.
Nawa’y sumainyong lahat ang pagpapala ng Panginoong Hesukristo, ang pag-ibig ng Diyos at ang pakikipag-isa ng Espiritu Santo.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Pahayag 1, 8
Aleluya! Aleluya!
Dakila ang Amang mahal
Anak, Espiritung Banal
noon, ngayon, kailan pa man.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 3, 16-18
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Gayun na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sapagkat sinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya.
Hindi hinahatulang maparusahan ang nananampalataya sa bugtong na Anak ng Diyos; ngunit hinatulan nang parusahan ang hindi nananampalataya sa kanya.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Isang Diyos (A)
Taglay ang tinanggap nating buhay at pananampalataya buhat sa Banal na Santatlo, idulog natin sa trono ng kaluwalhatian ang mga pangangailangan ng sangkatauhan. Maging tugon natin ay:
O Kabanal-banalang Santatlo, dinggin Mo kami!
Para sa buong Simbahang Katolika, na siyang mag-anak ng Diyos sa lupa: Nawa ipahayag niya sa kanyang mga turo at mga pagsisikap ang pagmamahal ng Banal na Santatlo para sa lahat ng tao. Manalangin tayo!
Para sa Santo Papa, ating Obispo, at ating Kura Paroko: Nawa sila’y maging laging malakas sa pagtupad sa kanilang tungkulin at malasap nawa nila ang bunga ng kanilang katapatan. Manalangin tayo!
Para sa lahat ng kaanib ng iba’t ibang sangay ng Kristiyanismo: Nawa sa kanilang parehong pananampalataya sa Banal na Santatlo, sila’y mamuhay na nagkakaisa at mapayapa. Manalangin tayo!
Para sa lahat ng mga mag-anak sa ating pamayanan: Nawa mailarawan sa kanilang pakikitungo sa isa’ t isa ang pagmamahalan ng tatlong Banal na Persona. Manalangin tayo!
Para sa ating sarili at lahat ng mahal natin sa buhay: Nawa lagi nating isaisip na kapiling natin ang Banal na Santatlo at humango tayo rito ng galak, lakas ng loob, at inspirasyon. Manalangin tayo!
Tahimik nating ipanalangin ang ating mga sariling kahilingan. (Tumigil sandali.) Manalangin tayo!
O Diyos na walang hanggan, nilikha Mo kaming kalarawan Mo at pinagkalooban kami ng bagong buhay sa sakramento ng Binyag. Puspusin Mo kami ng Iyong pananatili’t tanggapin kami sa Iyong Kaharian kung saan Ka nabubuhay at naghahari magpakailanman! Amen!