2,938 total views
Paggunita kay San Bonifacio, obispo at martir
Tobit 1, 3; 2, 1a-8
Salmo 111, 1-2. 3-4. 5-6
Mapalad s’ya na may takot
sa D’yos na magandang-loob.
Marcos 12, 1-12
Memorial of St. Boniface, Bishop and Martyr (Red)
Mga Pagbasa mula sa
Lunes ng Ika-9 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
UNANG PAGBASA
Tobit 1, 3; 2, 1a-8
Ang simula ng aklat ni Tobit
Sa buong bahay ko, akong si Tobit, ay nagsumikap na mamuhay nang matapat sa kalooban ng Diyos. Inugali ko ang pagkakawanggawa, at naglingkod ako sa aking mga kamag-anak at mga kababayan na kasama kong napatapon bilang bihag sa Ninive, Asiria.
Nang makabalik ako sa aking tahanan sa piling ng aking asawa at anak ay panahon ng pagdiriwang ng Pentekostes, ang Pista ng Pitong Linggo, at hinandugan nila ako ng isang masarap na salu-salo. Nang makita kong nakahain na ang masarap na pagkain, tinawag ko ang aking anak na si Tobias. “Anak,” ang wika ko, “humanap ka rito sa Ninive ng kahit sinong dukhang kababayan nating tapat sa Panginoon. Dalhin siya rito at nang makasalo ko. Daliin mo. Hihintayin kita.”
Lumabas nga si Tobias upang humanap ng makakasalo ng kanyang ama. Ngunit bumalik ito agad na sumisigaw, “Tatay! Tatay!” “Bakit? Anong nangyari, anak?” tugon ng ama. “May kababayan tayong binigti at itinapon sa palengke,” sagot ng anak. Dahil sa narinig ko’y hindi na ako nakakain; halos patakbong iniwan ko ang hapag, pinuntahan ang bangkay, at dinala ko sa isang kubling pook upang ilibing paglubog ng araw. Matapos kong gawin ito, nagbalik ako sa amin, naglinis ng katawan, at kumaing nalulumbay. Noon ko nagunita ang pahayag ni Propeta Amos sa mga taga-Betel:
“Ang inyong pagdiriwang ay magiging pagdadalamhati
At ang inyong kasayahan ay magiging panaghuyan.”
Nanangis ako.
Paglubog ng araw, lumabas ako at humukay ng paglilibingan, at ibinaon doon ang bangkay. Sa ginawa kong ito, pinagtawanan ako ng aking mga kapitbahay. Ang sabi nila, “Hindi na ba nadala ang taong ito? Ipinadakip na siya para patayin sa ganito ring kasalanan; ngayo’y naglibing na naman!”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 111, 1-2. 3-4. 5-6
Mapalad s’ya na may takot
sa D’yos na magandang-loob.
Mapalad ang tao na may takot sa Diyos,
Siyang sumusunod nang buong alindog.
Ang kanyang lipi’y magiging dakila,
pati mga angkan ay pinagpapala.
Mapalad s’ya na may takot
sa D’yos na magandang-loob.
Magiging sagana sa kanyang tahanan
katarungan niya’y walang katapusan.
Ang taong matuwid, may bait at habag,
kahit sa madilim taglay ay liwanang.
Mapalad s’ya na may takot
sa D’yos na magandang-loob.
Ang mapagpautang nagiging mapalad,
kung sa hanapbuhay siya’y laging tapat.
Hindi mabibigo ang taong matuwid,
di malilimutan kahit isang saglit.
Mapalad s’ya na may takot
sa D’yos na magandang-loob.
ALELUYA
Pahayag 1, 5ab
Aleluya! Aleluya!
Si Hesukristo ay tapat,
saksi at buhay ng lahat;
tayo’y kanyang iniligtas.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 12, 1-12
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, nagsimulang magsalita si Hesus sa mga punong saserdote, mga eskriba, at matatanda ng bayan sa pamamagitan ng mga talinghaga. Sinabi niya, “May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid, at binakuran niya ito. Humukay siya ng pisaan ng ubas, at nagtayo ng isang mataas na bantayan. Pagkatapos, iniwan niya ang ubasan sa mga kasama, at siya’y nagtungo sa ibang lupain. Nang dumating ang panahon ng pitasan, pinapunta niya ang isa niyang utusan upang kunin sa mga kasama ang kanyang kaparte. Ngunit sinunggaban ng mga kasama ang utusan, binugbog, at pinauwing walang dala. Ang may-ari’y nagpapunta uli ng ibang utusan, ngunit kanilang pinukpok ito sa ulo, at dinusta. Nag-utos na naman siya sa isa pa, ngunit pinatay nila ang utusang iyon. Gayun din ang ginawa nila sa marami pang iba: may binugbog at may pinatay. Iisa na lang ang natitira na maaaring papuntahin sa kanila – ang kanyang minamahal na anak. Ito ang kahuli-hulihang pinapunta niya. ‘Igagalang nila ang aking anak,’ wika niya sa sarili. Ngunit ang mga kasama’y nag-usap-usap, ‘Ito ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin at nang mapasaatin ang kanyang mamanahin.’’ Kanilang sinunggaban siya, pinatay at itinapon sa labas ng ubasan.
“Ano ngayon ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Paroroon siya at papatayin ang mga kasamang iyon, at ang ubasa’y ibibigay sa iba. Hindi pa ba ninyo nababasa ang nasasaad sa Kasulatan?
‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay
Ang siyang naging batong panulukan.
Ginawa ito ng Panginoon,
At ito’y kahanga-hanga!’”
Tinangka ng mga pinuno ng mga Judio na dakpin si Hesus, sapagkat nahalata nilang sila ang pinatatamaan sa talinghagang iyon. Ngunit takot naman sila sa mga tao; kaya’t hindi nila siya inano at sila’y umalis.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikasiyam na Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes
May pagninilay sa hamon ng Panginoon sa Ebanghelyo tungkol sa tungkuling mamunga, ilagay natin sa harap ng Diyos Ama ang ating mga kahilingan.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, gawin mo kaming kalugud-lugod sa iyo.
Ang mga namumuno ng Simbahan nawa’y makatanggap ng liwanag, kalakasan, at pag-alalay sa tungkuling paggabay sa mga sumasampalataya sa panahon ng kagipitan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga pamilya nawa’y bigyang-pansin ang diwa ng panalangin upang mapuno ang ating mga isip ng kapayapaan at kasiyahan na nagmumula sa Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y mamunga ng pag-ibig, pagpapatawad, katarungan, at kapayapaan sa ating buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga matatanda, mga nalulumbay, at mga maysakit nawa’y huwag mawalan ng pag-asa sa gitna ng kanilang dinaranas na pagsubok at kahirapan, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong mga namatay nawa’y makatagpo ng lugar sa walang hanggang Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama, ang iyong Anak ay ang “Batong tinanggihan.” Tinatanggap namin siya nang buong puso at may pananalig naming itinataas sa iyo ang aming mga kahilingan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.