214 total views
Kinakailangan pang mas mahubog ang sambayanan sa prinsipyo ng demokrasya para sa mas aktibong partisipasyon sa mga usaping panlipunan.
Ito ang nakikitang paraan ni Caloocan Bishop Emeritus Deogracias Iniguez – Chairman ng Ecumenical Bishops Forum upang maging malinaw sa bawat mamamayan ang kanyang pananagutan at karapatan sa bayan.
“Ang malaki sigurong bagay na dapat nating sikaping harapin ay yung katotohanan na napakarami sa ating mga mamamayan ang ni hindi nila alam na sila ay bahagi ng sambayanan, na meron silang mga pananagutan, na meron silang mga karapatan samantalang yan ang esensya ng demokrasya kaya kailangan pa rin natin na talagang mahubog sa mga prinsipyo ng demokrasya na siyang tinanggap natin bilang isang sambayanan…” Ang bahagi ng pahayag ni Bishop Iniguez sa panayam sa Radio Veritas.
Bukod dito, pagbabahagi pa ng Obispo kinakailangan rin ang pagtutulungan upang tuluyang mapaunlad ang bayan partikular na ang buhay ng mga mahihirap.
Kaugnay nito, sa resulta ng Social Weather Stations (SWS) Survey sa huling bahagi ng 2015, naitala na nasa 50-porsyento ng pamilyang Filipino ang nagsabing sila ay mahirap o katumbas ng may 11.2-milyong pamilyang Filipino na pinakamababang antas ng Self-Rated Poverty rate sa bansa mula noong maitala ang 49 na porsyento taong 2011.
Magugunitang sa naganap na pagbisita sa Pilipinas ni Pope Francis Enero ng taong 2015, hinamon nito ang lahat ng sektor ng lipunan na talikdan at iwasan ang anumang uri ng katiwalian na umaangkin sa pondong nararapat para sa mga mahihirap.