201 total views
Umaasa ang CBCP Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People na hindi matutulad sa papaalis na administrasyong Aquino ang incoming Duterte Administration sa usapin ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na wala halos naitulong at ni hindi man lamang nagpasalamat.
Ayon kay Balanga Bataan bishop Ruperto Santos, chairman ng komisyon, umaasa siya na tutuparin ng incoming President Rodrigo Duterte ang naipangako nitong pagtulong sa mga OFW sa pamamagitan na rin ng pagpapatayo ng sariling Departamento (Department of OFW).
Sinabi ng obispo na kung matutupad ang pangako, susuportahan ito ng Simbahang Katolika para sa pagsulong ng mga OFW.
“Naririnig ko sa media na magtatayo ng department of OFW kung ito ay matutupad tayo sa Simbahan sumusuporta dito, para maiwasan ang bururukrasya at matutukan ang pangangilangan ng mga OFW.” Pahayag ni Bishop Santos sa Radyo Veritas sa programang Veritas Pilipinas.
Gayunman, umaasa ang obispo na makakagawa ang bagong administrasyon ng mga trabaho sa bansa upang mabawasan na rin ang bilang ng mga Filipino sa abroad.
“Hiling natin huwag tayong nakatutok na isang bansa na nagdadala ng manpower, kailangan dito pa lang may trabaho na upang hindi na umalis ang mga Filipino at hindi mahirapan ang pamilya at hindi magkaroon ng brain drain sa bansa.” Ayon pa sa obispo.
Sa Philippine Statistics Authority (PSA), tinatayang nasa 12 milyon hanggang 15 milyon ang mga Filipino sa ibat’-ibang panig ng mundo kung saan mahigit 2 milyon dito nasa Gitnang Silangan.
Nauna na ring ipinanawagan ng Kanyang Kabanalan Francisco na pahalagahan ang mga OFW sa kanilang pagsasakripisyo para sa kanilang pamilya at sa ekonomiya kung saan nitong first quarter ng 2016 nasa $2.7 bilyon ang remittances nila na mas mataas noong nakaraang taon na $2.4 bilyon lamang.