276 total views
Hinikayat ng Sangguniang Layko ng Pilipinas ang bawat mananampalataya na huwag ipagwalang bahala ang pangungutya at panlalapastangan na ginagawa ng Pangulong Rodrigo Duterte sa Panginoon.
Umaasa si Marita Wasan, pangulo ng Sanguniang Layko na magkaisa ang tinig ng mga Kristiyano sa kasalukuyang nangyayari sa bansa.
“Kumilos na tayo, magsalita na tayong lahat at ipinakita natin ang pagtutol sa ginagawa ng Pangulo. Gumising tayo para sa ating kababayan, ating pamilya, ating mga anak at para sa susunod na henerasyon dahil maling ‘values’ ang itinuturo sa atin,” ayon kay Wasan.
Ayon kay Wasan, hindi na dapat tumatawa at pumapalakpak ang mamamayan sa mga pahayag ng Pangulo tulad ng pambabastos sa kababaihan, pagbabanta sa kapwa at pagmumura sa Panginoon.
Sinabi ni Wasan na ang pangyayari ding ito ay isang paraan na masuri ang kalagayan ng bansa at ang kahalagahan ng tamang paghahahal ng mga pinuno ng gobyerno.
“Walang kulay, hindi yan dilaw, hindi yan pula, kundi ito ang ating papel bilang katoliko na ipagtanggol ang mga naaapi, ang mga mahihirap,” dagdag pa ni Wasan.
Ang Pilipinas na binubuo ng 100 milyong populasyon kung saan kabuuang 86 na milyon sa mga ito ay pawang mga katoliko at 99 na porsiyento ang mga layko o mga binyagan.
Una na ring inihayag ng simbahan na ang misyon ng mga layko ay bigyang buhay ang mga gawain ng simbahan para sa pagpapanibago ng sekular na lipunan at pagsasabuhay ng pananampalataya sa bawat sektor na kinaaaniban.