7,974 total views
Isang makabuluhang pagdiriwang ng pananampalataya at katapatan sa bokasyon ang ginanap ng Religious of the Divine Word (RDW) ngayong taon, kung saan apat na madre ang nagdiwang ng mahalagang anibersaryo ng kanilang buhay relihiyoso.
Sa kanyang ika-25 anibersaryo bilang madre, nagpasalamat si Sr. Rebee Rose Rivera, RDW sa walang sawang patnubay ng Diyos na nagbibigay-lakas upang manatiling tapat sa kanyang bokasyon.
Sa panayam sa Radyo Veritas, ibinahagi ng madre ang mga pagsubok na hinarap sa loob ng mahigit dalawang dekadang paglilingkod, at ang kanyang panawagan sa mga kapwa lingkod ng simbahan.
“Sa tulong at awa ng Diyos nakarating ako sa estado ng aking religious life na 25 years. Sa mga naglilingkod, hindi nawawala na minsan may mga unos na dumarating sa buhay, pero lagi lang tayong manalig, kumapit sa pag-ibig at awa ng Diyos kasi Siya ang nagbibigay ng katatagan at inspirasyon para magpatuloy sa misyon,” pahayag ni Sr. Rivera.
Kasama niyang nagdiwang ng ika-25 anibersaryo sina Sr. Gresilda Omambac, RDW at Sr. Jeanne Avellani, RDW, habang si Sr. Lorina Cataniag, RDW ay ipinagdiwang naman ang kanyang ika-30 taon sa buhay relihiyoso.
Inalala rin ni Sr. Rivera ang yumaong Obispo Cirilo Almario, noo’y obispo ng Diocese of Malolos, na siyang nagtatag ng RDW noong Disyembre 2, 1991. Layunin ng kongregasyong ito na itaguyod ang Biblical Apostolate ng Simbahang Katolika—isang misyong nakatuon sa pagpapalaganap ng Salita ng Diyos.
Ayon sa tala ng diyosesis, isa ang RDW sa tatlong pious associations na itinatag ni Bishop Almario, kabilang ang Sisters of the Divine Shepherd, na nakatuon sa Social Action Apostolate, at ang Religious Catechists of Mary, na nagsusulong ng Catechetical Apostolate.
Sa pagtatapos ng selebrasyon, muling ipinahayag ni Sr. Rivera ang kanyang pag-asa na mas marami pang kabataan ang tumugon sa panawagan ng Diyos tungo sa buhay relihiyoso.
“Nawa’y mas dumami pa ang mga bokasyon para mas mapaglingkuran natin ang lumalaking kawan ni Hesus, lalo na sa aming gawaing pagpapakilala kay Kristo sa pamamagitan ng Mabuting Balita.”
Nanawagan din siya sa mamamayan na ipagpatuloy ang panalangin para sa mga madre, pari, relihiyoso at lahat ng nagtalaga ng kanilang buhay sa Diyos, upang mapagtagumpayan nila ang bawat hamon sa misyon ng Simbahang Katolika.