178 total views
Kinondena ni Prelatura ng Isabela de Basilan Bishop Martin Jumoad ang naganap na madugong engkwento sa pagitan ng mga militar at miyembro ng bandidong Abu Sayaff sa Tipo-Tipo,Basilan.
Ayon sa Obispo, nakagagalit ang patuloy na karahasan sa lalawigan na patuloy na nagdudulot ng tensyon sa mga mamamayan.
Bukod dito, nagpahayag rin ng pakikiramay si Bishop Jumoad sa nananatiling hindi pa tiyak ang bilang ng mga sundalong namatay sa sagupaan.
“Tensyon pero at the same time naaawa sa mga sundalong namatay at parang galit din kung bakit nagkaganito ang nangyari, so yun ang mga mix feelings namin dito sa Isabela, ang narinig ko 18 soldiers, may nagsabi na ngayon may mga 30 na daw, pero hindi pa confirm pero wala pang mga update talaga..”pahayag ni Bishop Jumoad sa Radio Veritas
Inihayag ng Obispo na wala pang sapat na impormasyong inilalabas ang lokal na pamahalaan ng Basilan kaugnay sa naganap na engkwentro habang patuloy ring ang kanilang pag-antabay sa sitwasyon sa kanilang lugar. Kaugnay nito, sa inisyal na ulat ng AFP-Western Mindanao Command, 18-sundalo at 5-Abu Sayyaf ang nasawi sa mahigit 10-oras na sagupaan.
Kinumpirma naman ni Bishop Jumoad na patuloy pa rin ang pagdating at pag-ikot ng ilang helicopter sa lugar na nakasanayan na aniya ng mga mamamayan na hudyat ng pagkakaroon ng engkwentro sa lugar.
Una ng naitala ng Internal Displacement Monitoring Center ang may 1.9 na milyong tao na naapektuhan ng may 40 taon ng kaguluhan at hidwaan sa Mindanao.