1,250 total views
Nakiisa ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa panawagang paigtingin ang pagkilos upang tugunan ang lumalalang climate crisis.
Sa video message, hinimok ni CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David ang bawat isa na magsama-sama sa pagdedeklara ng climate emergency upang mabigyang-pansin ng kinauukulan ang kalagayan ng mga likas na yaman sa Pilipinas, maging sa buong mundo.
Umaasa ang obispo na ang lahat ng mga katoliko at iba pang denominasyon at paniniwala mula sa anim na kontinente sa buong mundo ay magtutulungan para sagipin ang ating nag-iisang tahanan.
“Our objective is to bring the whole human family together-and that of course includes all fellow Christians from other traditions and denominations, and all fellow believers from other faith communities to protect the earth—our common home,” bahagi ng pahayag ni Bishop David.
Ang mensahe ni Bishop David ay kaugnay sa paggunita sa Laudato Si’ Week 2023 mula May 21-28, na may temang “Hope for the Earth, Hope for Humanity”.
Hinikayat naman ng pangulo ng CBCP ang lahat ng diyosesis at bikaryato sa Pilipinas na magsagawa ng screening ng “The Letter” sa bawat parokya, paaralan, at basic ecclesial communities.
Layunin ng pelikula na ibahagi ang kuwento ng apat na frontline leaders na lubhang apektado ng climate crisis, at nagtungo sa Roma upang makadaupang-palad si Pope Francis at higit na maunawaan ang nilalaman ng Laudato Si’.
“This is one of the best ways in joining the Holy Father—Pope Francis—and the rest of the Catholic Bishops in the 6 continents in campaigning for more serious action in response to the climate crisis,” ayon kay Bishop David.
Maaaring mapanuod at ma-download ang pelikula sa Youtube, i-search lamang ang “The Pope, the Environmental Crisis, and Frontline Leaders | The Letter: Laudato Si’ Film”.