14,980 total views
Nananawagan ang Caritas Philippines sa mamamayan sa agarang pagkilos at pagkakaisa kasabay ng pagdiriwang sa 2024 Season of Creation.
Ayon sa social at development arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, bilang mga katiwala ng sangnilikha, tungkulin ng bawat isang kumilos para sa kapakanan ng mga lubhang apektado ng pagkasira ng kalikasan at krisis sa klima.
Ibinahagi nito ang kasalukuyang kalagayan ng mga likas na yaman ng Pilipinas na unti-unting napipinsala at nauubos, at nagpapahirap sa mga apektadong pamayanan dahil sa patuloy na mga gawain kapalit ng pag-unlad ng ekonomiya.
“The suffering of our communities, plagued by relentless coal and mining operations, reclamation projects, oil spills, deep-sea quarrying, and other harmful activities, is a clear sign of creation’s “groaning” under the weight of exploitation, all in the name of economic progress,” pahayag ng Caritas Philippines.
Hinikayat ng Caritas Philippines ang higit pang pagpapatibay sa pagsisikap na pangalagaan ang inang kalikasan sa pamamagitan ng pinag-isipan, tiyak, at makabuluhang inisyatibo na tutugon sa umiiral na krisis sa kapaligiran.
Una nang binigyang-diin ng Kanyang Kabanalan Francisco ang pangangailangan para sa magkakatuwang na pagkilos na sumasalamin din sa layunin ng 2024 Season of Creation na may temang “To Hope and Act with Creation”.
Sa mensahe ng Santo Papa para sa World Day of Prayer for the Care of Creation, nagbabala ito na sa kabila ng pag-unlad ng teknolohiya, ang tao’y nagiging banta sa maraming anyo ng buhay, kabilang na ang sariling kaligtasan.
“Unchecked power, he cautions, creates monsters that eventually turn against us. He underscores the urgency of placing ethical boundaries on artificial intelligence development, as its capacity for calculation and simulation could be used for domination over humanity and nature, rather than being harnessed for peace and integral development,” paliwanag ng Caritas Philippines.
Umaasa ang Caritas Philippines na ngayong Panahon ng Paglikha, ang bawat isa’y maging bahagi sa pagtataguyod para sa kapakanan ng nag-iisang tahanan.
“This Season of Creation, let us stand bravely against environmental destruction and human rights violations, advocating for justice and the protection of our common home,” apela ng Caritas Philippines.
Ipagdiriwang ang Season of Creation sa buong buwan ng Setyembre hanggang ikaapat ng Oktubre – kapistahan ni San Francisco ng Assisi, ngunit pinalawig ito sa Pilipinas hanggang ikalawang linggo ng Oktubre bilang paggunita sa Indigenous People’s Sunday.