14,880 total views
Inaanyayahan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mananampalataya na palalimin ang kamalayan at ugnayan sa sangnilikha ng Diyos sa pagdiriwang ng Season of Creation ngayong taon.
Sa mensahe ni CBCP president, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, hinikayat ng obispo ang lahat na makibahagi sa pagdiriwang, sama-samang manalangin at kumilos upang tugunan at bigyang-pansin ang hinaharap na krisis sa klima ng mundo.
“May I remind you once again to observe our annual Christian celebration of the Season of Creation. This is an occasion for us to pray and respond together to the cry of creation, not just with fellow Catholics and fellow Christians, but with all people of goodwill,” bahagi ng mensahe ni Bishop David.
Karaniwang ipinagdiriwang ang Panahon ng Paglikha mula September 1, kapistahan ng sangnilikha, at nagtatapos sa October 4, kapistahan naman ng patron ng sangnilikha na si San Francisco ng Assisi.
Noong 2020, ipinakilala ng simbahan sa Pilipinas ang pagpapalawig sa pagdiriwang hanggang ikalawang Linggo ng Oktubre, kasabay ng National Indigenous Peoples Sunday bilang pagkilala sa mahalagang ambag ng mga katutubo sa pangangalaga sa nag-iisang tahanan.
“Who else are in the best position to teach us of the basic interconnectedness of all creatures but our indigenous peoples,” saad ni Bishop David.
Tema ng 2024 Season of Creation ngayong taon ang “To Hope and Act with Creation” kung saan una nang binigyang-diin ng Kanyang Kabanalan Francisco ang pangangailangan para sa magkakatuwang na pagkilos para sa inang kalikasan. Simbolo naman ng pagdiriwang ang “The First Fruits of Hope” na hango mula sa sulat ni San Pablo sa mga taga-Roma.
“Let us sustain our reflection on that beautiful passage where the Holy Apostle speaks about all creation groaning in labor pains and reminds us that we ourselves are already enjoying the ‘first fruits’ of the Spirit and are therefore also groaning within ourselves as we await the fullness of God’s glory, which is about to be revealed in creation,” ayon kay Bishop David.