455 total views
August 31, 2020
Hinimok ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo ang mga mananampalataya na baguhin ang paraan ng pamumuhay ngayong panahon ng pandemya.
Ito ang panawagan ni Bishop Pabillo sa paggunita ng “Season of Creation” ngayong taon na naiiba dahil sa nararanasang krisis dulot ng COVID-19 pandemic.
Ipinaliwanag ng Obispo na nakasisira ang makamundong paraan ng pamumuhay ng bawat isa partikular na ang pagiging konsyumerismo at materyalismo.
“Kasi untenable ang lifestyle natin. Talagang sinisira ng lifestyle natin ang ating consumerism, ang bahagi ng mundo natin. Tulad [ng] nangyari ngayong pandemic; hindi na tayo naka-travel, hindi na tayo nakakapag-malling, hindi na masyado magastos sa mga bagay-bagay. Kaya naman palang baguhin ang ating lifestyle”, pahayag ni Bishop Pabillo.
Hinikayat din ng Obispo ang mamamayan na bigyan ng panahon ang kalikasan upang makapagpahinga sa pamamagitan ng pagiging kuntento sa mga biyaya na ipinagkaloob ng Panginoon sa sangkatauhan.
“Kaya sana pumasok tayo sa tinatawag na “sapat-lifestyle”. We can say, sapat na, ito lang, tama na ito. Masaya na kami sa mga bagay na ito at hindi kailangan na mag-accumulate ng mga bagay na pagkatapos ay itatapon din natin”.panawagan ng Obispo
Ipinagdiriwang ang Season of Creation mula unang araw ng Setyembre hanggang ika-4 ng Oktubre, kasabay ng kapistahan ni San Francisco ng Assisi na pinalawig hanggang ika-11 ng Oktubre upang ipagdiwang ang Indigenous Peoples’ Sunday.
Ngayong taong 2020 ang ika-walong taon ng pagdiriwang ng Season of Creation sa Pilipinas, kasabay ang ika-limang taon ng World Day of Prayer for Care of Creation na idineklara ng Kanyang Kabanalan Francisco tuwing unang araw ng Setyembre.
Hinihimok sa Laudato Si ng Kanyang Kabanalan Francisco ang mga mananampalataya na pangalagaan at protektahan ang sangnilikha upang hindi magdulot ng pinsala.