436 total views
August 31, 2020
Ipinaalala ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Youth sa mga kabataan na maari silang maging bayani sa simpleng pamamaraan.
Ito ang mensahe ni Diocese of Daet Bishop Rex Andrew Alarcon- chairman ng kumisyon sa mga kabataan sa paggunita ng National Heroes’ Day o Araw ng mga Bayani sa bansa.
Ayon sa Obispo, higit na kinakailangan sa kasalukuyang panahon ang mga bayani na handang magsakripisyo o magpakamartir para sa kapakanan ng mas nakakarami.
Nilinaw ni Bishop Alarcon na maging sa loob ng tahanan, eskuwelahan at pamayanan ay maaring maging bayani ang mga kabataan sa pamamagitan ng pag-aalay ng sarili para sa kabutihan ng iba.
“Ang paggunita natin doon sa mga bayani natin na nag-alay ng kanilang buhay at hindi lang yung mga bayani, yung mga bayani, mga martir. Martyrdom so we are called to be martyrs to make sacrifices for our family, to make sacrifices for our country, to make sacrifices for others so yun we need more than heroes at ang bawat kabataan ay maaring maging bayani sa loob ng bahay, sa eskuwela, sa barkadahan…”pahayag ni Bishop Alarcon sa Radio Veritas.
Umaasa rin si Bishop Alarcon na sa paggunita ng bansa sa Araw ng mga Bayani ay muling mapag-alab sa puso at kamalayan ng mga Filipino partikular ng mga kabataan ang pagnanais na makatulong, makapag-ambag at maibahagi ang kanilang sarili para sa panlipunang pagbabago sa bansa.
Sinabi ng Obispo na higit na kailangan ang tulong at pakikibahagi ng mga kabataan sa nararanasang krisis na dulot ng COVID-19 pandemic.
“Yung ating pagdiriwang ng National Heroes’ Day hopefully should rekindle in us, mag-alab na muli ang ating pagnanais na mag-contribute, hindi lang basta magcontribute, magbigay ng ating sarili and the desire to make social transformation yun ang hinihingi natin and sana yung mga kabataan tayo ang magsimula uli…”panghihimok ni Bishop Alarcon.
Tiniyak naman ng Obispo ang pag-aalay ng panalangin sa mga kabataan na magkaroon ng tapang na isulong ang panlipunang pagbabago sa bansa.