9,510 total views
Inilunsad ng mga makakalikasang grupo mula sa Cebu at Negros ang “Save Tañon Strait” campaign bilang mariing pagtutol sa binabalak na pagpapalawak ng coal-fired power plant sa Toledo City, Cebu.
Layunin ng inisyatibo na paigtingin ang panawagan para pangalagaan ang Tañon Strait, ang pangalawang pinakamalaking marine protected area sa bansa at kinikilala bilang Important Marine Mammal Area (IMMA), mula sa mapaminsalang proyekto ng Aboitiz Therma Visayas Incorporated (TVI).
Ayon kay San Carlos, Negros Occidental Bishop Gerardo Alminaza, labis nang nagdurusa ang daigdig dahil sa umiiral na krisis sa kapaligiran, ngunit sa halip na kumilos upang pangalagaan ang mga likas na yaman, ang mga nasa kapangyarihan pa ang nangunguna sa pagpapahintulot ng mga mapaminsalang proyekto.
“Tañon Strait is one of the largest protected areas in the Philippines, a seascape that gives millions of lives and bounty. What use is the declaration of a protected area when permits are still given for destructive projects that will affect the IMMA?,” ayon kay Bishop Alminaza.
Una nang naglabas ng joint statement ang grupo upang tutulan ang coal expansion ng TVI, na sinasabing lumabag sa 2020 coal moratorium ng Department of Energy at sa Extended National Integrated Protected Area System (ENIPAS) Act.
Sa ngayon, ang nasabing pahayag ay nakapangalap na ng 64-lagda mula sa iba’t ibang organisasyon sa Cebu at Negros.
Hamon naman ni Bishop Alminaza sa mga opisyal ng pamahalaan na maging kaisa ng tinig ng mamamayan at magbuklod para sa pangangalaga sa iniingatang Tañon Strait.
“It is high time for leaders to declare their stance on this project so we may know who really is genuine in their advocacy for the environment and our common home. We appeal to your humanity and servant leadership; hear our calls and fight with us,” dagdag ni Bishop Alminaza.
Suportado ang Save Tañon Strait network ng iba’t ibang sektor mula sa simbahan at non-government organizations, kabilang ang Diyosesis ng San Carlos, Center for Energy, Ecology and Development (CEED), Oceana Philippines, Limpiyo ang Hangin Alang sa Tanan (LAHAT), at Youth for Climate Hope, at iba pa.