411 total views
Binigyang diin ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Prison and Pastoral Care ang paninindigan ng Simbahang Katolika laban sa pagbabalik ng Death Penalty sa bansa kasabay ng paggunita sa World Day Against the Death Penalty.
Inihayag ni Bro. Rudy Diamante, Executive Secretary ng komisyon ang patuloy na paninindigan ng Simbahan kasama ng mga pro-life advocates sa pagbibigay halaga sa kasagraduhan ng buhay ng bawat indibidwal maging ng mga nagkasala sa lipunan.
Ayon kay Diamante, bukod sa panawagan laban sa pagbabalik ng parusang kamatayan sa bansa ay bahagi ng paggunita ng World Day Against the Death Penalty ang pagsusulong sa mabuting balita ng Panginoon na siyang nagbigay buhay sa sangkatauhan.
“Well we are affirming on this day together with the members of the international committee an option for life kasi the World Day against Death Penalty was initiated by the international community working for the abolition of the Death Penalty all over the world and as we recognize it, as we observe it the church would like to affirm our option for life and our stand to live the Gospel and to stop the killings specially the legalized killings…” pahayag ni Diamante sa panayam sa Radyo Veritas.
Tema ng paggunita sa World Day Against the Death Penalty ngayong taon ang “Live the Gospel and Affirm the Option for Life”.
Kaugnay nito, naunang ikinagalak ng Simbahan at mga pro-life advocates sa bansa ang naging deklarasyon ni Pope Francis na hindi katanggap-tanggap kailanman ang pagpapataw ng Death Penalty.
Batay sa datos ng World Coalition Against the Death Penalty, umaabot na sa 107-bansa ang nagbuwag ng parusang kamatayan kabilang na ang Pilipinas noong 2006 sa ilalim ng Administrasyong Arroyo.