505 total views
Nanawagan si Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. sa bawat isa partikular na sa mga opisyal ng pamahalaan at namumuno at namamahala sa Simbahan na sikaping sundin ang pamamaraan ng Panginoon sa paghahanap ng solusyon sa COVID-19 pandemic.
Ayon sa Obispo, mahalaga rin ang pagsusuri ng puso at kalooban ng bawat isa upang mai-ayon ang mahahalagang desisyon na dapat gawin sa pamamaraan at puso ng Panginoon.
“Kaya nga po panawagan sa lahat, sa Simbahan, sa mga namumuno ng gobyerno, kay President Duterte, kayo po na mga namamahala, tayo pong lahat tingnan natin ang ating mga puso at baguhin at sikapin na ang pamamaraan ng Panginoong marunong sa lahat, makapangyarihan sa lahat ngunit punong puno ng pagmamahal yan ang gawin.” pahayag ni Bishop Bacani sa panayam sa Radio Veritas.
Tinukoy ni Bishop Bacani ang kahalagahan ng pagpapakumbaba, pagsisisi, pagbabalik loob at pagdarasal upang dinggin ng Panginoon ang pagsusumamo ng lahat mula sa patuloy na paglaganap ng COVID-19 virus. Iginiit ng Obispo na napapanahon na rin ang pagbabagong buhay ng bawat isa at pag-iwas sa paggawa ng anumang mga kasalanan lalo na ang pagpatay.
“Sabi ng Panginoon sa 2 Corinthians Chapter 7, kung may mga salot ano ang gagawin mo? magsisi ka, magpakumbaba ka sa harap ng Panginoon, magdasal ka, iwan ang paggawa ng masama at iwan ang pagpatay. Ngayong panahon na ito ang dami na ngang namamatay, ang sabi natin ayaw nating dumami ang namamatay pero ang dami pa ding pinapatay kahit hanggang ngayon.” Dagdag pa ni Bishop Bacani.
Batay sa pinakahuling tala ng Department of Health umaabot na sa halos 820,000 ang bilang ng COVID-19 cases sa bansa kung saan umaabot na sa mahigit 14,000 ang mga nasawi habang malapit na rin mapuno ang mga ospital na nangangalaga ng mga may sintomas at nagpositibo sa sakit.