141 total views
Nagpapasalamat ang pamunuan ng Segunda Mana sa lahat ng patuloy sumusuporta sa programa ng Caritas Manila, ang social action arm ng Archdiocese ng Manila.
Patuloy naman na nanawagan ng suporta ang Caritas Manila upang mas lalo pang mapalawak ang pagtulong sa mga mahihirap sa bansa.
Ayon kay William Barry Camique, program director ng Segunda Mana, hindi magtatagumpay ang nasabing proyekto kung walang suporta ng mamamayan.
“Ang Segunda Mana naman ay hindi magiging ganito kalaki kung hindi sa suporta ng mga tao at kami ay patuloy na naghihikayat na patuloy suportahan itong napakagandang social enterprise ng Caritas Manila at patuloy natin itong ikalat sa buong Pilipinas para mas marami tayong matulungan.” pahayag ni Camique sa panayam ng Radio Veritas.
Layunin ng Segunda Mana ang mapondohan ang scholarship program ng Caritas Manila ang Youth Servant Leadership Program o YSLEP na sa kasalukuyang may mahigit 5 – libong benepisyaryo sa buong bansa.
Nitong taong 2018 mahigit sa 1, 600 iskolar ng YSLEP ang nagtapos sa kolehiyo kung saan mahigit sa 700 dito ay nagmula sa Tacloban at karatig lalawigan na labis naapektuhan ng bagyong Yolanda.
Bukod dito ay tinutulungan din ng Segunda Mana na mapondohan ang mga programang pangkabuhayan sa mahigit 300 maliliit na negosyante mula sa informal sector ng lipunan na gumagawa ng mga produkto at ibenebenta sa mamamayan.
Samantala, naniniwala naman si Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte na napakahalaga ang programa ng Caritas Manila na Segunda Mana sapagkat natuturuan ang mga taong muling gamitin ang mga lumang gamit na maari pang mapakinabangan ng iba na mabibili sa abot kayang halaga.
“Ito ay napakamakabuluhang programa pagkat ang mga second hand clothes ay bahagi rin ng ating advocacy sa kalikasan at ayaw natin na mapunta lahat sa landfill samantalang kung puwede pa namang gamitin ng mga tao lalo na sa mga nangangailangan.” pahayag ni Belmonte sa panayam ng Veritas Patrol.
Ikinatuwa pa ni Belmonte dahil bukod sa naisusulong ang adbokasiyang pangkalikasan higit ding nakatutulong ang kinikita ng Segunda Mana sa mga pangunahing proyekto ng simbahan na tumutugon sa pangangailangan ng mahihirap na sektor sa lipunan.
Hinimok naman ni Diocese of Novaliches Bishop Antonio Tobias ang bawat mananampalataya na tangkilikin ang mga produktong ibenebenta ng Segunda Mana bilang pakikiisa sa Simbahang maipalaganap ang mga proyektong isinusulong na makatutulong sa mga higit na nangangailangan.
Binabalak ng Obispo na palawakin pa ang mga Segunda Mana Expo at hikayatin ang mga parokya na tumugon at makiisa maging ang mga lokal na opisyal sa mga barangay dahil isa ito sa mga magagandang proyekto ng simbahang katolika.
“Ipo-propose ko yan sa lahat ng mga parokya nang sa ganyan mapa-patronize natin ang ating Caritas Manila – Segunda Mana kasi kailangan talaga natin ang mga paglikom ng pera para sa mga scholars ng Caritas at mga scholars din ng ating diocese at mga parokya, kaya magandang proyekto ito.” pahayag ng obispo.
Kasalukuyang may 30 na ang mga sangay ng Segunda Mana sa pangunahing mga lugar sa Metro Manila at 1 naman sa Western Visayas na pinasinayahan noong ika – 2 Hulyo taong kasalukuyan.
Ito na rin ang ika – 6 na Expo na isinagawa ng Segunda Mana at nakatakda naman ang mga susunod pang Expo sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.
Patunay ito na patuloy ang pagkilos ng Simbahang Katolika upang matulungan ang mga higit nangangailangan sa lipunan na maiahon sa kahirapan.