363 total views
August 21, 2020-1:25pm
Nakababahala at hindi dapat ipagsawalang bahala ang pagtaguri sa Maynila-ang kabisera ng Pilipinas bilang probinsya ng China.
Ito ang reaksyon ni Fr. Angel Cortez, OFM- executive secretary ng Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP) kaugnay sa nalimbag sa isang produkto mula China ang ‘Manila, province of China’.
Ayon sa pari hindi dapat hayaan ng mga Filipino na pumasok sa sistema ang ganitong kaisipan na ang Pilipinas ay bahagi ng teritoryo ng Tsina.
Paliwanag ni Fr. Cortez, dapat na manindigan na pangalagaan ng bawat Filipino ang soberenya ng bansa mula sa pananakop hindi lamang sa salita kundi sa gawa.
“Parang ito ay pamamaraan upang dahan-dahan tanggapin na rin ng mga Filipino, huwag tayong pumayag na maipasok sa sistema ng mga karaniwang tao, alam mo naman yung masa, madali nila itong tanggapin kapag sinabi niyang sunod. Sa akin hindi, tayo ay Filipino tayo ay nasa Pilipinas atin ang bansang ito at patuloy tayong kumilos para manatiling atin hindi lamang sa salita kundi sa buhay natin araw-araw,” ang bahagi ng pahayag Fr. Cortez sa panayam sa Radyo Veritas.
Iniugnay rin ni Fr. Cortez ang kahalagahan na magising ang kalamayan ng bawat mamamayan sa mga nagaganap sa lipunan sa paggunita ngayong araw ng ‘Ninoy Aquino Day’ o ang paggunita sa anibersaryo ng kamatayan ni dating senador Benigno Aquino, Jr.
Ayon sa Pari, maituturing na kinakatawan ng dating senador ang mga makabagong bayani na lumalaban hindi lamang para sa soberanya kundi upang maprotektahan ang demokrasya ng bansa.
“Katulad na lamang ng ipinagdiriwang natin ngayon si Ninoy Aquino na para sa akin kumakatawan doon sa mga makabagong bayani na lumaban hindi lang para sa soberanya, hindi lang para sa demokrasya kundi ito ay simbolismo na dapat na tayong magising bilang mga Filipino,” dagdag pa ng pari.
Ayon pa kay Fr. Cortez, “So, para sa akin ay hindi ito biro, hindi rin ito isang bagay na dapat nating tanggapin bilang mga mananampalataya dahil alam natin tayo ay Filipino, tayo ay nasa bansang Pilipinas at pagkatapos nating lumaya doon sa tinatawag nating madilim na kasaysayan o bahagi ng ating kasaysayan ay lumaya tayo at maraming mga lumaban.”
Nauna ng isinulong ni Puwersa ng Bayaning Atleta Representative Jericho Nograles ang pagba-ban sa Chinese hair product na natuklasang nagtaguri sa Maynila bilang “province of China”.
Ipinag-utos naman ni Manila Mayor Francisco Domagoso ang pagpapasara sa may apat na establisiyento sa Binondo na napag-alaman nagbebenta ng mga produkto.