2,431 total views
Tiniyak ng bagong rektor ng Minor Basilica of the Immaculate Concepcion o Manila Cathedral ang tapat na pagsunod sa Panginoon at paglilingkod sa mananampalataya.
Ayon kay Msgr. Rolando dela Cruz, ang pamamahala sa Manila Cathedral ay maituturing na pagsubok dahil maliban sa ito ang kauna-unahang katedral sa Pilipinas, ito rin ang inang simbahan ng Arkidiyosesis ng Maynila at ng buong bansa.
“I am humbled by this appointment. I am hesitant to face the challenges but I am hopeful that the Lord will give fruits to our labor as long as we do as He tells us. Sa tapat na pagsunod, may biyayang kasunod. Let us do what the Lord tells us,” Nangako si Msgr. dela Cruz na pananatilihin ng katedral ang pagiging banal kung saan madarama ang presensya ng Panginoon, gayundin ang pagsusulong sa kahalagahan ng kultura lalo na ang pananampalataya.
Tinukoy naman ng pari ang “stained glass windows” ng katedral na disensyo ni Galo Ocampo, na maituring na daluyan ng liwanag sa loob at labas ng basilika.
Hiling ni Msgr. dela Cruz na maging halimbawa sa bawat isa ang mga bintana ng Manila Cathedral na nagsisilbing daluyan ng biyaya mula sa Diyos na maibabahagi rin sa kapwa.
“Ito ang aking panalangin na ang bawat isa ay maging katulad ng mga “stained glass windows” na ito. Tayong lahat nawa’y makatanggap ng liwanag mula sa Diyos at maging daluyan din ng liwanag na ito sa ating mga kapatid. Upang sa gayon, ‘pag sinabi ng mga tao, ang ganda ng simbahan, ang tinutukoy nila ay hindi lamang ang gusali, kundi ang mga taong sumasamba rito,” ayon kay Msgr. dela Cruz.
Abril 14, 2023 nang pangunahan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang opisyal na pagtatalaga kay Msgr. dela Cruz na sinaksihan nina Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown, at Novaliches Bishop-emeritus Antonio Tobias.
Dinaluhan din ito ng mga rektor at pari mula sa mga diyosesis na saklaw ng Arkidiyosesis ng Maynila, gayundin sina Manila City Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo, at mga kamag-anak at kaibigan ni Msgr. dela Cruz.
Si Msgr. dela Cruz ang kahalili ni Manila Archdiocesan Vicar General Fr. Reginald Malicdem na ngayo’y chaplain ng Our Lady of Hope Mission Station ng Landmark at SM Chapels sa Makati City.
Naglingkod si Msgr. dela Cruz bilang dating kura paroko ng San Fernando de Dilao Parish sa Paco, Manila sa loob ng 12 taon.