362 total views
Kapanalig, tunay na dapat nating ipagmalaki ang mga manggagawang Filipino. World class ang serbisyo ang ibinibigay ng marami nating mga kababayan. Kaya nga’t sa buong mundo, napakaraming mga Filipino sa iba’t-ibang industriya. Sa health care service nga sa buong mundo, kadalasan, Filipino ang laging nandyan para alagaan ang mga tao, kahit ano pang nasyonalidad nito. Sa construction, engineering, communications, at iba pang larangan, ang Filipino, maaasahan mo kahit saan kahit kailan.
Kaya lamang ang kahusayan ng ating workforce ay maaaring manghina kung ang learning skills development sa ating bayan ay ating pababayaan. Sa ngayon nga, ayon sa isang pag-aaral ng World Bank, kailangan ng humabol ng ating skills development sa mga pagbabagong bunsod ng 4th industrial revolution.
Sa panahon natin ngayon, binabago na ng automation, artificial intelligence, machine learning, at iba pang teknolohiya ang trabaho sa buong mundo. Kulang na ang ating kasanayan at kaalaman, at para mapataas pa ito, kailangan natin ng ilang mga estratehiya at paraan. Ang bawat paraan nga lamang na ito ay mangangailangan ng pondo at commitment mula sa mga iba-ibang sektor.
Unang una, tingnan natin ang ang educational sector natin. Ang mga epekto ng reporma ng k12 ay hindi pa natin masyado ramdam, pero marami ng mga mamamayan ang ayaw nito kaagad dahil dagdag gastos daw ito. Kapanalig, ang mga pagbabago sa kurikulum ay naglalayong gawing competent at work-ready ang mga bata. Huli na nga ang hakbang na ito, dahil sa ibang bansa, matagal na silang 12 years ang basic education. At habang ating tinatahak nito, kailangan pa nating mapabuti pa ang kalidad ng edukasyon – mababa pa rin ang ating mga scores sa mga international assessments. Lahat ng ito ay may epekto sa mga future workforce ng ating bansa.
Kailangan din ng continuous learning ng mga manggagawa natin ngayon. Ang pagsasanay ay hindi lamang dapat matapos sa paaralan. Kaya lamang, marami sa ating mga manggagawa ay hirap maka-access ng mga trainings dahil sa mahal ng matrikula para dito. Isang halimbawa ay ang mga training o pagsasanay para sa mga marino. Marami sa kanila, matapos magbarko ay uuwi dito na may konting naitabing pera. Pag sasakay na sila ulit, halos mangutang na ang marami sa kanila. Hindi lamang gastos sa bahay ang sinagot nila, ang mga gastos din sa pagsasanay ay naging pabigat pa sa kanilang bulsa.
Kapanalig, ang pagsasanay sa workforce ng ating bayan ay investment – investment ng manggagawa, investment din ng lipunan. Kung laging hindi abot kaya ang halaga ng pagsasanay para sa ordinaryong manggagawa, paano na lang ang kanilang kabuhayan? Hindi lamang dapat ang manggagawa ang may pasanin ng skills development- dapat ang pamahalaan at pribadong sektor ay kaalakbay ng manggagawa dito. Hindi lamang kinabukasan ng manggagawa ang nakataya dito, ang kinabukasan nating lahat ay sakop nito. Ayon nga sa Rerum Novarum: The labor of the working class – the exercise of their skill, and the employment of their strength, in the cultivation of the land, and in the workshops of trade – is especially responsible and quite indispensable. Indeed, their cooperation is in this respect so important that it may be truly said that it is only by the labor of working men that States grow rich. Justice, therefore, demands that the interests of the working classes should be carefully watched over by the administration, so that they who contribute so largely to the advantage of the community may themselves share in the benefits which they create.
Sumainyo ang Katotohanan.