120 total views
Naghihintay na ang CBCP – Episcopal Commission on the Laity sa hakbangin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pangako nitong paluluwagin ang daloy ng trapiko sa EDSA.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng komisyon, malapit ng matapos ang takdang mga araw na binanggit ni Pangulong Duterte ngunit ipit na ipit pa rin sa trapik ang mga commuters at drivers.
Kinuwestyon rin nito ang paghingi ng pangulo ng emergency power para lamang mabigyan ng solusyon ang problema sa trapik at inaabangan ang mga konkretong hakbang ng pamahalaan upang matigil na ang pasakit na dulot nito sa libo – libong Pilipino.
“Magtatapos na yang isandaang araw na yan, yan din ay naghahanap tayo ng concrete steps na gagawin niya para mawakasan ang trapik sa Maynila. Hindi lang sapat na humingi ng ‘emergency powers.’ Ano ba ang gagawin niya sa ‘emergency powers’ na ibibigay sa kanya? Kaya naghahanap tayo ng concrete steps kung paano masolusyunan ang trapik na ito,” bahagi na pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Veritas Patrol.
Nabatid na itinuturing ang buong metropolis bilang “the worst traffic on earth” kung saan tinatayang mahigit 15 libong sasakyan ang naiipit sa trapik sa EDSA kada oras na tumatakbo lamang ng 5 kilomentro kada oras.
Magugunita na batay sa panlipunang katuruan ng Simbahang Katolika kailangan maibigay ng gobyerno ang tamang serbisyo publiko sa bawat mamamayan.