1,750 total views
Hindi naniniwala ang Wyeth Philippines Progressive Workers Union na pagkalugi ang dahilan sa restructuring ng Wyeth Nutrition plant sa Laguna.
Inilarawan ni Ulysses Capole Vice President ng grupo, na masigla ang kompanya sa kabila ng naranasang pandemya sapagkat tuloy-tuloy ang operasyon.
“Isa lang po nakikita namin jan, magkaroon o madagdagan lang ang kanilang kita; sa katotohanan during pandemic pinapasok po talaga kami, continues ang production,” pahayag ni Capole sa Radio Veritas.
Paglalahad ni Capole na hindi katanggap-tanggap ang hakbang ng multinational company lalo’t katatapos lamang noong Disyembre ang Collective Bargaining Agreement (CBA).
Bagama’t nag-alok ng retrenchment packages ang kompanya hindi makatarungan ang biglaang pagpapahinto sa trabaho na walang abiso.
“Highly skilled po yung mga manggagawa sa Wyeth tapos ganun lang po ang gagawin sa amin parang binabalewala lang po,” ani Capole.
Batay sa pahayag ng kompanya, aabot sa 250-percent ang alok na separation packages sa mga manggagawang nagsilbi ng mahigit sa 20 taon habang ang iba naman ay nasa 150 hanggang 200 percent.
Iginiit ni Capole na bagamat makatatanggap ng bayad ay kaya nitong kitain sa loob ng isang taon ang halagang ini-alok ng kompanya.
May 18, 2023 nang hindi pinapasok sa Canlubang plant ang may 140 manggagawa na kinabibilangan ng 125 rank-and-file at 10 union officers.
Sa inilabas na datos ng Nestle Philippines, umabot sa 164-bilyong piso ang kinita ng kompanya noong 2022 o halos 0.4% year-on-year na paglago.
Sa ensklikal na Laborem Exercens ni St. John Paul II, binigyang diin nitong nararapat bigyang halaga ang pagpapagal ng bawat manggagawa kabilang na ang pagbibigay ng wastong pasahod at benepisyo.