1,478 total views
Kinundena ng labor group ang pagtutol ng mga employers group, National Economic Development Authority (NEDA) at Department of Finance sa pagsusulong ng 150-pisong legislated wage increase sa Mababang Kapulungan ng Kongreso at Senado.
Ayon kay Jerome Adonis – Secretary General ng Kilusang Mayo Uno, kinakailangan na ng mga manggagawa ang kagyat na pagtataas ng suweldo dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, pamasahe at serbisyo.
Sinabi ni Adonis na malaking ginhawa sa mga manggagawa ang pagsasabatas ng wage hike upang mabili ang pangunahing pangangailangan ng pamilya.
“Hindi po sila kikita ng milyon-milyon hanggang billions of peso kung hindi magtatrabaho ang mga manggagawang Pilipino and on the other hand dahil ito po ay constitutionally guaranted kaya po kami nag-aasert na ma-compensate naman ng maayos yung aming pinagpapaguran araw-araw para mabuhay naman ng disente ang aming pamilya.” bahagi ng panayam ng Radio Veritas kay Adonis.
Iginiit ni Adonis na sa tulong ng wage hike ay sisigla ang ekonomiya dahil tataas ang purchasing powers ng mga Pilipino na magdudulot ng malaking kita sa mga negosyo at pamilihan.
“Kami po ay tax payer sa gobyerno kaya nagkakaroon sila ng budget. Nakakalungkot lang nako-corrupt lang.”pahayag ni Adonis.
Ikinalulungkot ni Adonis ang hayagang pagtutol ng walong employers group kabilang na ang Philippine Chamber of Commerce and Industry, Employer’s Confederation of the Philippines at Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry sa 150-pesos legislated wage hike.
Ikinatwiran naman ni Finance Secretary Benjamin Diokno at NEDA Secretary Arsenio Balisacan na negatibo ang epekto sa ekonomiya ng panukalang umento sa sahod at magpapataas sa presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Patuloy naman ang pakikiisa ng Manila Archdiocesan Ministry for Labor Concern at Church People-Workers Solidarity chairperson Bishop Gerardo sa mga manggagawa na makamit ang mga ipinananawagang pagtataas ng suweldo.