6,526 total views
Pansamantalang ipinagpaliban ng Archdiocese of Caceres ang pagsasagawa ng lokal na bersyon ng Trillion Peso March sa arkidiyosesis bilang pag-iingat mula sa sama ng panahon na dulot ng Bagyong Opong sa Bicol region.
Pagbabahagi sa Radyo Veritas ni Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) Vice President Rev. Fr. Wilmer Joseph Tria na siya ring head ng Caceres Archdiocesan Cluster for Education, ipinagpaliban sa October 1, 2025 ang pagsasagawa ng lokal na bersyon ng pagkilos na tinaguriang ‘Trillion Peso March sa Kabikolan: Aldaw Nin Pamibi Ki Ina’ sa Peñafrancia Basilica Minore Grounds sa Naga City.
Unang itinakda ang pagsasagawa ng lokal na bersyon ng pagkilos noong ika-25 ng Setyembre, 2025 bilang pakikiisa ng mga Bicolano sa pambansang panawagan laban sa sistematikong korapsyon at para sa mabuting pamamahala sa bansa, ngunit kinailangang pansamantalang ipagpaliban upang matiyak ang kaligtasan ng lahat mula sa pananalasa ng Bagyong Opong.
“Yung gagawin sana naming dito sa Bicol kahapon na [‘Trillion Peso March sa Kabikolan: Aldaw Nin Pamibi Ki Ina’] nag-decide lang na i-postpone because of the impending typhoon so lahat nagcancel ng classes pero gagawin yun sa October 1, 2025.” Bahagi ng pahayag ni Fr. Tria sa Radyo Veritas.
Samantala, ibinahagi naman ng Pari na bagamat nananatiling maayos ang kanilang kalagayan sa Camarines Sur ay nakasubaybay at inaalala naman nila ang kalagayan at sitwasyon ng mga mamamayan ng Masbate na mas higit na nakaranas ng pananalasa ng Bagyong Opong.
Pagbabahagi ni Fr. Tria, “Actually parang swerte yung Camarines Sur kasi dapat ang target talaga dadaan talaga sa amin, una yung Buhig sunod na yung parokya ko Iriga yun yung eye ng Typhoon pero bumaba siya, ang kawawa ngayon ang tinatamaan ay yung Masbate, dati ng mahirap na probinsya ang Masbate pero doon dumaan ang bagyo. Pero kami tahimik, walang traffic, walang pasok pero walang ulan, walang hangin.”
Sa kabila nito, nilinaw ng Pari na nananatili ang takot at pangamba ng mga mamamayan mula sa posibilidad ng malawakang pagbaha lalo na’t karamihan sa mga bayan sa Camarines Sur ay nasa Bicol River Basin na pangunahing makararanas ng pagbaha sakali mang umapaw ang ilog dahil sa patuloy na pag-ulan.
“Nakakatakot kasi may trauma yung mga tao dahil sa flood, nasa Bicol River basin kasi yung mga towns dito karamihan kapag umapaw ang river sila ang unang malulubog.” Dagdag pa ni Fr. Tria.
Ibinahagi naman ng Pari na mayroon ring mga maanomalyang flood control projects sa lalawigan ngunit maaaring magtagal pa bago ito maimbestigahan dahil na rin sa mawalak na usapin ng katiwalian sa flood control projects sa buong bansa.
Ayon kay Fr. Tria, “Maraming nakalista [na flood control projects] maraming hinahanap pero naghihintay pa kasi napakalawak yung corruption mukhang matagal-tagal pang maiimbestigahan ang Bicol.”
Bahagi ng inilatag na programa ng Archdiocese of Caceres para sa lokal na bersyon ng Trillion Peso March ang pagdiriwag ng banal na misa na pangungunahan ni Caceres Archbishop Rex Andrew Alarcon upang ipanalangin ang pagpapanibago ng mga gahaman sa salapi at kapangyarian na nagnanakaw sa pondo na dapat ay para sa bayan.
Inaanyayahan rin ang lahat ng makikibahagi sa pagkilos na magsuot ng puting damit bilang simbolo ng pagkakaisa at malinis na hangarin para sa katotohanan, katarungan at pagbabago sa bayan.






