416 total views
Ito ang binigyang diin ni CBCP Episcopal Commission on Laity chairman Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo sa kanyang homiliya sa pagtitipon ng mga nakikiisa sa Lakbay Buhay March Caravan for Life, sa University of Sto.Tomas noong Linggo, ika-21 ng Mayo.
Iginiit ni Bishop Pabillo ang pagsusulong ng restorative justice na panlipunang katarungan sa bansa at hindi vindictive o retributive justice na mapagparusa at mapaghiganti.
Nilinaw ni Bishop Pabillo na ang paghihiganti ay hindi bahagi ng katuruan ng Panginoon na nagnanais na maibalik ang nawalang pag-ibig sa puso ng bawat isa.
“Kaya kung mayroon mang hinahanap na justice, iyan po ay restorative justice, the justice that restores. Isang katarungan na ibinabalik ulit ang buhay. ibinabalik uli ang nawala. Hindi yan vindictive o retributive justice. Hindi paghihiganti, ang paghihiganti ay hindi bahagi ng katuruan ng Panginoon. Ang turo niya ay mahalin ang mga kaaway at yan ang basehan ng ating paninindigan…”bahagi ng homilya ni Bishop Pabillo
Sinabi ng Obispo na inadya ng Diyos ang kanyang bugtong na anak na si Hesus na namatay na walang kasalanan para mailigtas tayong mga makasalanan at muling mabigyan ng buhay.
Ayon kay Bishop Pabillo, ito ang dapat na maging basehan ng paninindigan ng bawat isa sa buhay na kaloob ng Panginoong Maykapal.
Hinamon din ng Obispo ang mamamayan na magsalita at makibahagi sa paninindigan para sa buhay tulad ng pagbabahagi ng mga kaalaman kaugnay sa masamang idudulot ng parusang kamatayan at kasagraduhan ng biyayang buhay na kaloob ng Panginoon sa pagpapahayag sa mga social media sites.
“Magkaroon tayo ng lakas huwag tayong manahimik sa mga isyung ito, iyan ang problema na tahimik daw ang mga Kristyano sa mga bagay na ito, kaya magsalita tayo at may kakayahan tayong magsalita. Magsalita tayo sa ating pamilya, sa ating mga kaibigan, sabihin natin kung bakit tutol tayo rito. Magsalita tayo sa ating mga facebook o sa ating mga twitter. Sa social media magpahayag tayo”. Dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Naunang lumabas sa survey ng SWS na tanging 13-porsiyento lamang o 1 sa kada 10 Filipino ang kabisado ang Death Penalty issue; 35-porsyento naman o 4 kada 10 Filipino ang alam o pamilyar sa usapin ng parusang kamatayan; 43-porsyento ang may limitadong kaalaman habang 10-porsyento naman ang wala talagang alam tungkol sa Death Penalty.
Pinangungunahan ng 15-kinatawan mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan ang Lakbay-Buhay march caravan for life na nagsimula sa Cagayan de Oro at magtatapos sa Senado sa ika-24 ng Mayo.